UNANG BOTIKA NG BAYAN BINUKSAN SA ISABELA

DOH Undersecretary Enrique Domingo

NANGUNA si Undersecretary Rolando Enrique Domingo ng Department of Health (DOH) sa pagbubukas ng kauna-unahang “Botika ng Bayan”.

Ang botika ay nakalagay sa San Mariano, Isabela, habang sunod na bubuksan ang Botika ng Bayan sa Cebu City para sa Visayas, at Davao City para sa Mindanao.

Ang pagbubukas ng Botika ng Bayan sa bayan ng San Mariano ay dinaluhan din nina Department of Health (DOH) Regional Director Rio Magpantay, Governor Faustino Dy III ng Isabela, at mga opisyal ng San Mariano-local government unit (LGU).

Sinabi ni Under­secretary Domingo na ang pagbubukas ng Botika ng Bayan sa Luzon ay tugon sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibibigay nang libre ang mga gamot sa mga mahihirap na mamamayan lalo na ang maintenance na gamot sa high-blood, diabetes at sakit sa puso.

Ang pondo aniya ay manggagaling sa national government sa pamamagitan ng DOH at iba pang ahensiya.

Sinabi ni Undersecretary Domingo na napili ang San Mariano, Isa­bela, dahil ito ang pinakahanda, maganda ang facility, at suppor­tive ang LGU.

Para naman kay Liga ng mga Barangay President Eddie Viernes na malaking karangalan sa kanila at malaking tulong ang paglalagay doon ng Botika ng Ba­yan para mabigyan ng libreng gamot ang mga mahihirap na mamamayan sa kanilang bayan at mga karatig na lugar.       PMRT

Comments are closed.