SUBIC, Zambales — Nasikwat ni Rambo Chicano ang unang ginto para sa Filipinas nang madominahan niya ang 30th Southeast Asian Games men’s triathlon kahapon sa Subic Bay Boardwalk dito.
Matapos ang second place finish kay Nikko Huelgas sa 2017 meet sa Kuala Lumpur, ang Olongapo City native ay naorasan ng one hour, 53 minutes at 26 seconds upang makopo ang kanyang kauna-unahang SEA Games gold medal.
“Sobrang saya na parang ‘di ako makapaniwala pa rin, mindset ko na mapakalas namin talaga ‘yung Indonesia kasi nandoon siya sa amin all throughout,” wika ni Chicano, na maliwanag na may home-court advantage.
“Pinaghandaan ko ito. Sumali ako sa local tournaments at races sa China at Malaysia bilang paghahanda dahil gusto kong matupad ang hindi ko nagawa sa Malaysia kung saan nanalo ako ng pilak,” sabi ni Chicano na dala ang bandila ng Filipinas habang tumatakbo palapit sa finish line.
“Our goal is to surpass the 1.55 and Chicano made 1:53,” sabi ni coach Melvin Fausto sa eksklusibong panayam ng PILIPINO Mirror.
Kinuha ni Andrew Kim Remolino ang silver medal sa oras na 1:55:03 para sa 1-2 finish ng Filipinas.
“Siyempre sobrang saya kahit kagagaling lang ng juniors, pag-angat sa [elite category], nakapasok na sa SEA Games at nakakuha pa ng silver,” ani SEA Games first-timer Remolino.
“It’s a bonus na po na manalo tayo and na-defend po ‘yung gold and silver,” dagdag pa niya.
Nagkasya si Muhammad Ahlul Firman ng Indonesia sa bronze medal na may 1:57:10. CLYDE MARIANO
Comments are closed.