UNANG GOLD SA BP PINEDAL NG QC CYCLIST

KUMINANG ang 12-anyos na si Aristen Aricela Ardice Dormitorio bilang unang  gold medalist sa 2023 Batang Pinoy, makaraang madominahan ang Girls-13-Under Criterium cycling event sa Tagaytay City Centrum kahapon ng umaga.

Aristen Aricela Ardice Dormitorio

Tinapos ni Dormitorio, nakababatang kapatid ni MTB (mountain bike) multi-medalist Ariana, at kinatawan ng Quezon City LGU squad, ang 30-minute, three-lap race sa impresibong  45 minutes at 48.4 seconds, laban sa walong iba pang kalahok.

“Masaya po. Meditate and prayers po kasama sa preparation ko,” sabi ng Hope Integrated School student.

Nagwagi ng  silver at bronze medals sina Yvaine Oasias at  Ysabel Nicole Jamero ng Iloilo, ayon sa pagkakasunod.

Sa boys’ division ay nakopo ni Jhaykarl Ophir Macapagal Nuaez ng Quezon City ang gold, habang kinuha nina  Kyle Jabat Florez ng General Santos City at Marc Jerenz Atienza ng Calapan ang silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, hinablot nina Adrian Bucol ng Zamboanga City at Matthew Diaz ng Rizal ang  ginto sa weightlifting.

Naitala ng 12-anyos mula Zamboanga City National School ang parehong personal best na 45kg sa snatch at 58kg sa clean and jerk pati sa total lift nito na 103kg sa 12Under Boys 32kg upang ibigay sa siyudad na kinikilala sa sport na weightlifing ang unang ginto sa Dacudao Tennis Center.

“Pinaghandaan ko po talaga ang makasali dito sa Batang Pinoy,” sabi ng Grade 6 na si Bucol na tanging weightlifer sa tatlong magkakapatid.

“Iniaalay ko po sa mga magulang ko ang gintong medalya saka pangarap ko pong maging Olympian tulad ni ate Hidilyn,” sabi pa niya.

Hindi naman nagpadaig si Matthew Diaz, na pamangkin ni Hidilyn Diaz-Naranjo, sa pagwawagi  nito ng ginto sa 12 Under Boys 37kg sa unang pagsali pa lamang sa pagbuhat sa 41kg sa snatch at 55 sa clean and jerk para sa total lift nito na 96kg at ibigay sa Rizal ang unang ginto.

“Nakakanerbiyos po kasi unang sali ko pa lamang po. Sinabihan lang po ako ni ate Hidilyn na huwag matakot at isipin ko po na nasa ensayo lang po ako kaya nakayanan ko,” sabi ni Diaz, na nasa ilalim ng pagtuturo mismo ng mag-asawang Julius at Hidilyn sa bagong tatag na Jaja-Jala Weightlfiting.

Ikinuwintas naman ni Lyka Labrica Catubig ang unang gold medal sa athletics matapos magreyna sa 3,000m Walk women’s division ng Philippine National Games na inilarga sa PhilSports Track & Field sa Pasig, kahapon ng umaga.

Nairehistro ni 19-year-old Catubig ng Davao City ang 16 minuto at 44.55 segundo sapat upang sikwatin ang kauna-unahang PNG gold medal sa Day 1 ng athletics competition.

“Masaya ako kasi hindi ko ine-expect na manalo, marami kasing kasaling magagaling,” sabi ni ni Catubig na first year student sa University of Mindanao sa kursong Bachelor of Criminology.

“Thank God at nanalo ako.”

Bunso sa apat na magkakapatid, sasalang din si Catubig sa 5K walk at 5K run kaya naman naghahanda na ito at nagpapalakas dahil aminado siyang mapapalaban siya nang husto.

Nakopo ni  Laurize Jeante Genilza Wangkay ng Pasig ang silver matapos ilista ang 16:51.98 habang bronze ang kinahon ni Jane Krissel Buizon ng Pangasinan (16:52.35).

Dinomina naman ng pambato ng Pasig ang U-20 men’s 3,000 walk matapos angkinin nina Justin Santos Macuring at Gabriel Amit Resuello Oxales ang gold at silver, ayon sa pagkakasunod.

Napunta ang bronze kay Cris Gabayan ng Pangasinan sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Richard Bachmann.

Samantala, pinitas ni Ainah Marie Agapito Masangkay ng Pasig ang ginto sa women’s division ng Discus Throw, silver kay Chrizzel Lanipa ng Zamboanga habang bronze ang sinungkit ni Kasandra Hazel Ranay Alcantara ng Pasig.

Sa men’s division ng Long Jump, hinablot ni Marvin Perez Ramos ng San Fernando, Pampanga ang ginto, pilak ang napunta kay Kurt Lyndon Titular Deris ng Camarines Sur at bronze ang nakuha ni Geoff Martin Saludo Proximo ng Mandaluyong.

Nagpasiklab naman ang mga swimmers ng Ateneo de Davao University na sina Francis Greg Espiritu at Maica Angela Garcia matapos languyin ang PNG 18-above 200-meter breaststroke gold at silver medals, ayon sa pagkakasunod.

CLYDE MARIANO