SUMANDIG ang Wangs-Letran kay Louie Sangalang sa 94-87 panalo kontra Adalem Construction-St. Clare sa kanilang debut sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup.
Ang 24-anyos ay nagbuhos ng 21 points, 11 rebounds, 4 assists, at 2 blocks upang punan ang pagliban nina top guns Fran Yu at Rhenz Abando, at ipinakita na may masasandigan pa rin ang Knights kahit matapos ang graduation ni Jeo Ambohot.
“Kailangan talaga naming mag-step up, lalo na sa mga naiwan talaga. Kailangan namin ma-fill ‘yung naiwan nila,” aniya.
Ang monster game ni Sangalang ay nagbigay sa kanya ng unang Cignal Play-PBA Press Corps D-League Player of the Week award para sa July 7-9 period.
Ito ang unang pagkakataon na ipinagkaloob ng grupo na kinabibilangan ng sportswriters at editors na nagko-cover sa beat, ang weekly honor bilang pagdiriwang sa ika-10 season ng developmental league.
Tinalo niya si Centro Escolar University gunner Jerome Santos, na nagpakawala ng season-best 36 points laban sa AMA Online, gayundin sina Marinerong Pilipino guard Jollo Go at EcoOil-La Salle forward Michael Phillips para sa makasaysayang pagkilala.
Matapos ang panalo ay tinagubilinan ni Knights coach Bonnie Tan ang kanyang tropa na maging consistent upang malayo ang kanilang marating sa liga.
“Sabi ko sa kanila babalikan ko kayo whatever ‘yung result natin dito, lalo na kung matalo kami. Very short ‘yung preparation pero kailangan nila ipakita ‘yung galing nila every game,” ani Tan.