SINUSUBOK ng coronavirus pandemic ang healthcare system ng halos lahat ng bansa sa buong mundo, maging ang mga mayayamang bansa sa kanluran at sa Europa.
Ayon sa isang report ng International Council of Nurses (ICN), mayroon nang kakulangan ng halos anim na milyong nurses bago pa mag-umpisa ang pandemya, at lalo pang lumala ang sitwasyon dahil sa virus. Inaasahang tuloy-tuloy ang mataas na demand para sa mga nurse mula sa mga bansang kilalang pinagkukunan ng mga nurse, tulad ng Filipinas.
Ayon sa State of the World’s Nursing (SOWN) report ng ICN, inilalarawan ang model ng nurse education sa bansa na “train for export”, sa ilalim na rin ng pagpa-facilitate ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ayon sa ICN, malaking tulong ito kaya naman nakakaalis at nakakapagtrabaho sa ibang bansa ang mga nurse natin, kung saan ‘di hamak na mas malaki ang suweldo at mas maraming career opportunities, para na rin makapagpadala sila ng pera sa kanilang mga pamilyang naiwan sa Filipinas.
Karamihan sa mga nursing school sa bansa ay pribadong mga institusyon, at ang mga estudyante at mga magulang nila ang nagbabayad nito. Madalas ang intensiyon nila ay para makapagtrabaho sa ibang bansa sa oras na sila’y makapagtapos.
Ayon pa sa ICN report, ang outflow ng nurses mula sa Filipinas ay tinatayang mula 15,000 hanggang 20,000 kada taon. Sa talaan ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), higit kumulang 240,000 na local nurses ang nagtatrabaho sa mga bansa sa ilalim ng OECD. Karamihan sa mga nurse natin ay nasa Saudi Arabia, Europe (UK and Ireland) and Asia/Australasia (Singapore, New Zealand, Australia). Sa Amerika, nagtala rin ng halos 150,000 Filipino nurses na doon nagtatrabaho, sumusuweldo ng halos 20x ng kita nila sa Filipinas.
Malaki ang tulong ng remittances na ipinadadala ng mga migrant nurse mula sa iba’t ibang bansa, at sa suporta sa lokal na populasyon. Ang kabuuang remittances sa Filipinas ay lumago na sa mga nakaraang tao at umabot na ng USD34-B noong 2018, karamihan ay perang pinadadala ng service workers, kabilang na ang mga nurse.
Sa isang banda, ang patuloy na pag-alis ng mga Filipino nurse patungo sa ibang bansa ay talaga namang nagpabawas sa nursing workforce ng bansa. Naramdaman natin ang impact nito nang magsimula ang pandemya. Ang gobyerno na mismo ang nananawagan sa mga nurse mula sa iba’t ibang sulok ng bansa at maging ang mga bumabalik na mga nurse mula sa abroad, na tumulong sa NCR na sentro ng COVID-19 pandemic.
Sa mga unang buwan ng pandemya, nag-issue ng temporary suspension order ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang pigilin pansamantala ang mga nurse na umalis ng bansa. Naging mahirap na sitwasyon ito lalo na sa mga nurse na may existing na employment contracts sa mga ospital sa ibang bansa. Masakit sa loob na isipin na pinalampas nila ang pagkakataon na makapagtrabaho nang may mas malaking suweldo, at ilan pang benefits na hindi nila makukuha sa bansa.
Malaki ang kaginhawaan na dulot nang ang mismong si Presidente Duterte ang nag-lift ng suspension order na makalabas ng bansa ang healthcare workers, partikular na ang mga may kontrata at requirements na bago pa mag-August 31.
Sa kabila nito, umapela pa rin ang Pangulo sa mga natitirang healthcare worker, frontliner at mga volunteer na tumulong pa rin sa pag-aruga sa mga nadapuan ng COVID-19 at maki-isa sa pagsugpo ng kinatatakutang virus.
Isa sa mga paraan ng DOLE na hikayatin ang mga local nurse na magsilbi muna sa bansa ay ang pagpursigi sa layunin na itaas ang suweldo ng mga nurse dito. Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, overdue na ang upgrade ng salary ng mga nurse, at isa ito sa mga dahilan kaya halos 200,000 local nurses pa rin ang walang trabaho sa kabila ng emergency hiring program ng Department of Health (DOH).
Sabi pa ni Sec. Bello, hindi masisisi ang mga nurse mula sa pribadong sektor na umalis ng bansa. Nagtatrabaho sila mula 8 hanggang 16 na oras, pero ang salary range lang nila ay P9,000 to P18,000, kumpara sa minimum take home pay ng mga nurse sa public hospitals na umaabot sa P32,000 kada buwan.
Suportado ng Filipino Nurses United (FNU) ang panawagan na ito ni Sec. Bello. Ayon kay FNU Head Maristela Abenojar, kailangan ng gobyerno na itulak ang mga programa na makakapagpabuti sa sitwasyon ng mga private hospital nurse, at taasan ang suweldo nila para mapanatili ang mga ito sa bansa.
Dagdag pa rito, ang mga public hospital nurse ay nakatakdang makatanggap ng adjusted salary packages sa ilalim ng Department of Budget and Management’s Circular 2002-4 na inisyu nitong July 17. Pero ang mga private sector nurse ay hindi kasali sa programang ito.
Ayon sa FNU, ang ilang nurse sa private sector ay walang pambili ng kanilang basic needs dahil mas mababa pa ang suweldo nila sa minimum wage. Ang patient load pa nila,aniya, ay sobra-sobra sa itinalagang standard ng DOH na 1:12patients, pero hindi sila binabayaran sa overtime o extended work.
Kaya naman panawagan ng FNU ay magkaroon ng konkretong aksiyon ang mga ahensiya ng gobyerno para maisaayos ang working condition ng mga healthcare worker. Pinakaimportante ngayon ang magkasundo sa mga terms at umpisahan na agad ang pagpapatupad ng mga pagbabago.
Kaisa ako sa panawagan sa gobyerno, kina Sec. Bello at Health Secretary Francisco Duque III na i-lobby sa Kongreso ang urgent na deliberation at pagpapatupad ng batas na naglalayong pataasin ang suweldo ng mga nurse sa public at private hospitals.
Mainam din na bigyang konsiderasyon ng gobyerno ang pag-promote sa nursing bilang isang career na may fair na compensation at may magandang mga oportunidad sa career growth para hindi makompromiso ang mid-at long-term supply ng mga bagong nurse sa bansa.
Talaga namang ang 2020 ay Year of the Nurse. Sa mga oras tulad nito ay napapagtanto natin ang kahalagahan ng mga bayaning frontliners at healthcare workers na patuloy na nag-aalaga sa mga Filipino sa kabila ng krisis. Hindi ako magsasawang purihin ang kanilang kadakilaan at pasalamatan sila sa kanilang tulong. Sila ang tunay na mga bayani.
Comments are closed.