SUPORTADO ng isang kongresista ang plano ng Department of Energy (DOE) na atasan ang lahat ng kompanya ng langis sa bansa na magkaroon ng ‘unbundling’ o pagdedetalye ng komputasyong ginamit ng mga ito sa pagtatakda ng presyo ng iba’t ibang produktong petrolyo.
Ayon kay 1st Consumers Alliance for Rural Energy, Inc. (1-CARE) partylist Rep. Carlos Roman Urbarreta, bilang vice-chairman ng House Committee on Energy ay handa siyang makipagtulungan sa DOE kaugnay ng nasabing hakbang na gustong maipatupad ng ahensiya.
“I will work with the DOE on this. Executive branch decisions on the unbundling of fuel prices would be good. However, for fuel price transparency to truly take hold and last, the unbundling must be firmly established by law,” pahayag ni Uybarreta.
Sinabi ng mambabatas na kinakailangan malaman ng bawat mamamayan kung bakit tumataas ang halaga ng petroleum products na kanilang binibili.
Aniya, ang ‘unbundling’ sa oil products ay maihahalintulad sa electricity bill na natatanggap ng mga konsyumer kung saan nakadetalye ang lahat ng ipinapataw na singil para maipaliwanag ang naging kabuuang ng buwanang bayarin.
“With unbundling of fuel prices, point of sale purchases of gasoline, diesel, kerosene, and LPG would have to show the breakdowns of the costing of the fuel, in somewhat the same way as the breakdown of our electricity bills,” dagdag pa niya.
Kaya naman umaasa si Uybarreta na sa mga darating na araw, ang resibong ibibigay ng mga gasoline station ay maglalaman na ng mga detalye gaya sa naging presyo ng langis mula sa importasyon nito, ipinataw na excise tax, exchange currency adjustments, refining costs at distribution costs.
Samantala, bukod sa langis, nais ng mambabatas na magkaroon din ng ‘unbundling’ sa coal lalo’t ito ang pangunahing sangkap na ginagamit ng karamihan sa mga tumatakbong planta ng kuryente sa ngayon.
Aniya, ito’y para na rin mas detalyado ang basehan ng generation cost na ipinapataw ng power producers sa kanilang electric utilities o distributors, kabilang na ang mga electric cooperative. ROMER R. BUTUYAN