Hinikayat ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul, South Korea ang mga undocumented Filipino sa nasabing bansa na samantalahin ang pinalawig na voluntary departure program ng Ministry of Justice ng South Korea.
Pinalawig ang programa para sa boluntaryong pag-alis ng mga dayuhan kasunod ng lumalaking bilang ng mga walang sapat na dokumento ngunit nananatili sa nasabing bansa.
Giit ng ahensya, ang mga dayuhang hindi dokumentado na naninirahan sa South Korea na boluntaryong aalis bago mag- Enero 31, 2025 ay hindi pagbabayarin ng multa.
Hindi rin sila mailalagay sa “black list” o listahan ng mga taong ipinagbabawal na pumasok sa South Korea sa loob ng nasabing programa.