ILAGAN – Hindi umuwing luhaan ang Malaysians nang madominahan ang dalawang final events sa 4x100m women at 4x100m men relays habang inangkin ng University of the Philippines ang overall championship sa pagtatapos ng National Open Invitational Athletics sa Ilagan Sports and Cultural Center dito.
Sa masusing gabay ni Filipino coach Mario Pajarillo, nangibabaw ang Malaysians sa 4x100m women relay at pagkalipas ng ilang minuto ay naghari sa 4x100m men relays sa solidong quartet nina Muhammad Din Nordik, Zaid Khani Kanisius, Shahrimien Bin Saimon at Riksi Tahir na naorasan ng 3:19.07.
Tinalo ng Malaysians ang UP na binubuo nina Francis Medina, Jose Marie Jovelo, Marco Vilog at Sean Michael Kaufman na dumating sa 3:21.41 seconds, at ang Adamson University nina Christian Olivares, Elias Ruther Cuevas, Jeric Gaceta at Alex Talledo sa oras na 3:24.15.
“Confident ako na mananalo sila dahil specialty nila ang relay at matagal na silang nagsasama at kabisado ang bawat isa,” sabi ni Pajarillo.
Si Pajarillo ang humubog kay two-time Olympian at dating Asian Athletics champion at SEA Games consistent medalist Marestella Torres-Sunang.
Tumapos ang UP Fighting Maroons na may 16 ginto, 17 pilak at 12 tanso, kasunod ang Dasmariñas (12-7-3), Philippine Army (10-6-6), host Team Ilagan (9-4-3), La Salle (5-4-2), Ateneo (5-1-4), Adamson (4-5-4), at Cantafa-Camarines Sur (2-2-4).
Dalawang Philippine records ang naitala nina Evangeline Caminong sa high jump girls at Carlos de Limos sa 5000m walkathon boys.
Nagtala si Caminong ng bagong record na 1.71 meters sa high jump at binura ang lumang record na 1.69 meters na naitala ni Kylene Mosqueda, habang winasak ni De Limos ang old record na 26.39 segundo na ginawa ni Mark Anthony Salinas noong 2008 at nagtala ng bagong marka na 26.26 segundo sa 5000m walkathon boys division.
“These are the kind of athletes we’re looking for. They’re young, talented and promising,” sabi ni PATAFA secretary-general Renato Unso.
Nagpakitang-gilas din sina athletics legend Elma Muros-Posadas nang manalo sa 100m at shot put sa 50-54 category, fellow World Masters campaigner Erlinda Lavandia, na nagwagi naman sa discuss throw sa 60 and above, at Drolly Claravall sa 45-49 bracket shot put.
“May asim pa,” sabi ni Muros-Posadas, ang huling Pinay na nanalo ng bronze sa long jump sa Asian Games sa Hiroshima, Japan.
Umabot sa 1,000 atleta, kasama ang mga nagmula sa Thailand, Sri Lanka, at Malaysia-Sabah, ang lumahok sa torneo na inorganisa ng PATAFA na pinamumunuan ni Philip E. Juico at sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumuno ni Chairman William Ramirez at ng Ayala Foundation. CLYDE MARIANO
Comments are closed.