MATINDI ang pangamba ng pamahalaan ng Amerika sa patuloy na paglapit ng relasyon sa pagitan ng Filipinas at China.
Ito ang pananaw ni Prof. Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reforms (IPER) kasunod ng pagbisita ni US Sec-retary of State Mike Pompeo sa bansa.
Sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery Cafe, sinabi ni Casiple na halatang nangangamba si US President Donald Trump sa patuloy na gumagandang foreign relations ng Duterte administration sa Chinese government.
Aniya, pakay ng US na alamin ang mga posisyon ng Filipinas sa iba’t ibang usapin partikular ang independent foreign policy lalo na ang kontrob-ersiyal na West Philippine Sea na halos inaangkin ng China.
Bukod pa rito, nais ng Amerika na mas pagtibayin ang kanilang ugnayan sa Filipinas sa pamamagitan ng iba pang mga kasunduan para palakasin ang depensa ng bansa.
Sinabi naman ni Joms Salvador, secretary general ng Gabriela Partylist na nais muling panghimasukan ng Amerika ang mga polisiya ng bansa.
Sinariwa nito ang ilang sablay na kinasangkutan ng Amerika sa Filipinas katulad ng isyu sa Visiting Forces Agreement, gayundin ang pagkamatay ng Filipino transgender na si Jennifer Laude dahil sa sundalo ng US at iba pa kung saan hindi na aniya ito dapat pang maulit.
Kasunod nito, hinimok ng Gabriela ang pamahalaang Duterte na suriin nang husto ang mga maaaring pasuking kasunduan sa pagitan ng Amerika bunsod ng mga kaduda-dudang pakay ng US sa bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.