UST BUBBLE SA SORSOGON IIMBESTIGAHAN SA SENADO

SEN-BONG-GO

IIMBESTIGAHAN ni Senate Committee on Sports chairman Christopher Bong Go ang isyu ng sinasabing  breach of quarantine protocols ng University of Santo Tomas nang dalhin ang buong basketball team sa Sorsogon para mag-practice bilang paghahanda sa susunod na UAAP men’s basketball season.

Sinabi ni Go na dapat isinaalang-alang ng mga nasa likod ng naturang hakbang ang kaligtasan ng mga estudyante.

Inihayag ni Go na sa layo ng Sorsogon sa Metro Manila, maraming probinsya at iba’t ibang quarantine protocols ang dinaanan ng mga manlalaro ng UST.

Aniya, hindi dapat inilagay sa peligro ang mga kabataan kasabay ng paalala nito sa coaches na kargo ng mga ito  ang kanilang mga manlalaro at hindi dapat magmadali sa paghahanda ngayon dahil delikado pa ang panahon.

Ayon kay Go, ang kalusugan ng mga mag-aaral ang pangunahing dahilan kaya walang face-to- face learning  at ipinagpaliban ang pagsisimula ng  klase sa gitna ng  kinakaharap na COVID-19 pandemic.

Inihayag ni Go na bilang magulang, natatakot ang marami sa kaligtasan ng mga mag-aaral kaya hindi sila dapat ma-pressure. VICKY CERVALES

Comments are closed.