(Utak ng ‘Manila, province of China’) 2 CHINESE TRADERS IPATATAPON

MAYOR ISKO-1

PAIIMBESTIGAHAN ni Manila Mayor Isko Moreno sa National Bureau of Investigation (NBI) at nais nitong ipatapon pabalik sa China ang dalawang Chinese national na “utak” ng brand label ng “Manila,Province of China”.

Nakapaloob sa liham ni Moreno sa NBI, “We are requesting that an investigation be conducted on the business operations of EFPBI and if warranted, cause the filing of criminal complaints against the corporation and its offi­cers and/or incorporation.”

At maging sa Bureau of Immigration (BI) ay sumulat din si Moreno na kung saan ay pinade-deport nito ang dalawang dayuhan.

“We are requesting that deportation proceedings be initiated against Shi Zhong Xing and Shi Li Li. We are willing to submit relevant documents that may be used in the said proceedings,” nakasaad sa nasabing liham.

Gayundin, tinukoy din ni Moreno ang produkto at kompanya sa likod ng kontrobersyal na label sa kanyang  Facebook Live at ito ay cosmetic products na ibinebenta ng  Elegant Fumes Beauty Products, Inc.

Iginiit ni Moreno na hindi katanggap –tanggap ang ginawa ng mga nabanggit na Chinese nationals.

“Dalawang Chinese nationals (ay nag-ooperate ng business establishment). Akin pong gagawin ay susulat sa Bureau of Immigration to deport and declare these two Chinese nationals as undesirable aliens,” diin ni Moreno.

“Hindi po ito katanggap-tanggap sa akin bilang Pilipino, bilang Manileño. Hindi po natin papayagan ito. Ang Binondo ay bahagi po ng Maynila at ang Maynila ay bahagi Pilipinas. Ang maynila ang kapitolyo ng bansa, hindi po ito probinsya ng China; at ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o kasaysayan na naitala sa panahon natin at panahon ng ninuno natin,” dagdag pa ni Moreno.

Sinabi pa nito, hindi niya hahayaan ang mga superpower na bansa  na parang minamata at binabalewala ang soberenya ng bansa.

“Hindi po ako governor ng China, Mayor po ako ng Manila, Philippines. Yan po ang address ng Maynila. Maynila ay Pilipinas, at ang Pilipinas ay malaya. May sariling soberanya,”giit nito.

Nabatid na iniutos ni Moreno kay  Bureau of Permits Director Levi Facundo na mag-isyu ng closure order at revocation of permit to operate laban sa negosyo ng mga naturang Chinese nationals sa Binondo.

Ayon kay Facundo, lumabag ang establisimiyento sa  Rules and Regulations ng Food and Drug Administration (FDA).

“Hindi ito maliit na bagay dahil ito ay misre­presentation. Misrepresentation meaning you’re selling a product and mali yung information,” paliwanag ni Facundo.

Nauna nang ipinasara ang apat na establisimiyento na nagbebenta ng cosme­tics product na may label na Binondo, Manila,Province of China. VERLIN RUIZ

Comments are closed.