UTANG SA BANGKO AT MGA COLLATERAL

rey briones

DAPAT lang na maghinay-hinay ang gobyerno sa pagpapatupad ng Republic Act 11057.

‘Yan ang bagong batas, Suki, para sa garantiya ng pangungutang sa mga bangko.

O ang tinawag ng mga henyo sa Kongreso na Personal Property Security Act.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang nasa­bing batas noon lang Agosto 17, 2018.

Pagtiyak umano ng tulong ito, Suki, sa mga maliliit na mamumuhunan.

At sa mga ordinaryong negosyanteng kinapos ng kapital sa kanilang hanapbuhay.

Sa Ingles, sila ang grupo ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Sa pamamagitan ng RA 11057 ay luluwag umano ang espasyo para sa pag-utang sa mga bangko.

Kasi, ayon sa bagong batas ay puwede nang gamiting kolateral, o garantiya, ang personal properties ng mga nangungutang.

Tulad ng kotse at mga alahas, Suki.

At iba pang pag-aaring personal gaya ng relo, cellphone at maging mga gamit sa bahay.

Ang umiiral na patakaran kasi, Suki, ay mga titulo ng lupa at iba pang real estate properties lang ang tinatanggap ng bangko bilang kolateral sa pangungutang.

oOo

Suki, may downside ang bagong batas ‘pag ‘di naingatan ang paglatag ng implementing rules and regulations (IRR).

Walang duda na maganda ang intensiyon ng Personal Property Security Act.

Pero disaster sa industriya ng pagbabangko ang epekto nito kung ang pinangangambahan ng ilang bangkero ay hindi matugunan ng IRR.

Ang tanong, Suki, ng isang manedyer ng bangko na nakausap ko:

Eh, paano kung dumugin kami ng loan borrowers na ang bitbit ay panay imbentaryo ng kanilang personal properties?

Na klaro naman umanong nagde-depreciate o bumabagsak ang halaga sa pagdaan ng panahon.

Intonses, ang magsasakripisyo ay ang lahi ni Juan na naglagak ng lifetime savings sa bangko para sa kanilang retirement.

Klaro, Suki, na ang ibig sabihin ng manedyer ay maba-bankrupt ang bangko ‘pag hindi maibalik ang mga nautang. Derpor, purdoy ang bangko at purdoy din ang depositors.

Comments are closed.