V-DAY SA CREAMLINE?

Mga laro ngayon:

(Ynares Center)

3 p.m. – Cignal HD vs Choco Mucho (3rd Place)

6 p.m. – PetroGazz vs Creamline (Finals)

SA paglipat ng PVL Open Conference championship series sa Ynares Center ngayong gabi ay may tatapusing “unfinished business” ang Creamline sa Antipolo venue.

“We had a very heartbreaking experience in Ynares in 2019,” wika ni Alyssa Valdez matapos ang  cseries-opening 25-16, 23-25, 25-12, 32-30 victory ng kanyang koponan laban sa PetroGazz na naglapit sa kanila sa ikatlong Open Conference crown noong Miyerkoles ng gabi sa harap ng 13,620 fans sa Mall of Asia Arena.

Pinangunahan nina prolific imports Janisa Johnson at Wilma Salas kasama si Jeanette Panaga bilang kanilang main middle blocker noon, tinalo ng Angels ang Cool Smashers sa tatlong laro sa Antipolo upang makopo ang Reinforced Conference title.

Naiganti ng Creamline ang naturang pagkatalo sa huling bahagi ng taong iyon nang walisin ang PetroGazz para makumpleto ang 20-0 Open Conference campaign.

Tatangkain ng Cool Smashers ang kampeonato sa alas-6 ng gabi kung saan dadalhin ni Valdez at ng iba pa sa koponan ang mapait na karanasang iyon bilang karagdagang  motibasyon para tapusin ang serye.

“So, extra motivation, inspiration going in literally and figuratively in Ynares, lalong-lalo na finals ulit. So we will take that as an inspiration talaga coming sa Friday,” ani Valdez.

“Sobrang grabe rin ‘yung pagkatalo namin sa Reinforced Conference against Petro Gazz. But I guess we’ve learned from that as a team kasi halos kami-kami pa rin magkakasama from 2019 to 2022,” dagdag pa niya.