Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
6 p.m.- Ginebra vs Meralco
(Game 6, Kings abante sa 3-2)
MAKARAANG makansela ang Game 6 noong Miyerkoles dahil sa isang sunog sa Araneta Coliseum, muling tatangkain ng Barangay Ginebra na masungkit ang PBA Governors’ Cup title ngayong Biyernes sa Mall of Asia Arena.
Tangan ang 3-2 kartada matapos manalo sa Game 5, 115-110, haharapin ng Gin Kings ang gutom sa koronang Bolts sa alas-6 ng gabi.
Determinado ang Ginebra na tapusin na ang serye at panatilihin ang kanilang supremacy sa Meralco na tatlong beses nilang tinalo magmula noong 2016.
“If necessary, we want to end the series tonight. I instructed my players to play one more good game to preserve the crown,” sabi ni Ginebra coach Tim Cone na target ang ika-23 PBA title magmula pa noong 1991 sa Alaska.
“We have to be prepared because Meralco is dead serious to get back at us and force a sudden death,” wika ni Cone.
Muling pangugnunahan ni Justin Brownlee ang opensiba ng Kings kontra Tony Bishop katuwang sina Scottie Thompson, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Christian Starhardinger, Jeff Chan at Arvin Mariano.
Bukod sa scoring, babantayan nina Aguilar at Standhardinger ang shaded area para hindi maka-penetrate ang Meralco.
Sina Brownlee at Thompson ang susi sa back-to-back wins ng Kings sa Games 4 at 5.
Hindi naman basta susuko si coach Norman Black at inaasahang gagawin ng Bolts ang lahat para maipuwersa ang Game 7 at buhayin ang kanilang kampanya na sungkitin ang unang PBA title at wakasan ang pamamayagpag ng Ginebra sa Governors’ Cup.
“We’re back against the wall. There’s no way but to fight and stay alive. I reminded my players to play with vigour and energy to force a sudden death,” sabi ni Black.
Muling sasandal si Black kinavBishop, Allein Maliksi, Chris Newsome, Aaron Black, Jeff Hodge at Raymond Almazan. CLYDE MARIANO