Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – Ginebra vs Magnolia
(Game 3, Magnolia abante sa 2-0)
LAGING sumasagi sa alaala ni Mark Barroca ang pagkatalo ng Magnolia sa Ginebra sa 2017 Philippine Cup semifinals.
Sa muling paghaharap ng dalawang koponan, nangako ang Magnolia guard na hindi niya hahayaang muli itong mangyari.
Nagpakita ng matinding tapang at determinasyon, kinuha ng Magnolia ang unang dalawang laro sa PBA Governors’ Cup best-of-five semifinal series at maaaring wakasan ang dalawang taong dominasyon ng Ginebra sa pamamagitan ng panalo ngayong gabi.
Batid ni Barroca na kung matatalo sila sa Game 3 ay maaaring mauwi sa wala ang lahat ng kanilang pinaghirapan.
“’Yung 2-0 mapupunta sa wala kung ‘di mo matatapos ng tatlong panalo,” wika ni Barroca matapos ang 101-97 panalo ng Magnolia sa Game 2 noong Lunes ng gabi.
“Dumaan kami rito last year. Dapat stay hungry kami at i-treat namin ang next game na do-or-die,” dagdag ni Barroca, na hindi malilimutan ang pagkulapso ng Hotshots laban sa Kings sa 2017 Philippine Cup semifinals.
Sa nasabing serye, sinimulan ng Hotshots ang best-of-seven series sa pamamagitan ng back-to-back victories, subalit kinuha ng Ginebra ang sumunod na apat upang umabante sa Finals.
“Alam naman natin ‘pag ang Ginebra nakakuha ng buwelo ‘yan, susunod na yan,” ani Barroca. “’Never Say Die’ nga sila, ‘di ba? So, doon mo makikita ‘yung attitude nila. At isa pa, championship team ‘yan, so iba ‘yung kalibre nila.”
Naging susi sa unang dalawang panalo ng Hotshots sa serye ang kanilang matinding depensa kung saan nahirapan ang Kings sa kanilang mga tira.
“’Yun lang naman ‘yung bawi namin which is ‘yung depensa talaga dahil wala naman kaming choice dahil underdog nga kami rito,” dagdag ni Barroca.
Bukod kay Barroca, muling sasandal si coach Chito Victolero kina import Romeo Travis, Paul Lee, Justin Melton at Jio Jalalon.
Samantala, gagawin naman ng Kings ang lahat para makahirit ng Game 4 at manatiling buhay sa serye.
Aminado si import Justine Brownlee na hindi naisagawa ng Kings ang kanilang plays sa nakalipas na dalawang laro, dahilan para mabaon sila sa 0-2.
Comments are closed.