SISIMULAN ng Far Eastern University at College of Saint Benilde ang kanilang V-League Collegiate Challenge women’s championship series ngayong Miyerkoles sa Paco Arena.
Nakatakda ang laro sa alas-2 ng hapon.
Pinataob ng Lady Tamaraws ang University of Perpetual Help System Dalta habang dinispatsa ng Lady Blazers ang University of the East sa semis para maisaayos ang finals duel.
Para kay setter Tin Ubaldo at sa buong FEU squad, ang magwagi ng V-League title ay magiging isang malaking achievement, at sinabing, “Malaking boost siya kasi may times na medyo hesistant kami, hindi kami naniniwalang kaya namin. Pero kapag nakuha namin itong title na ito, sasagi sa isip namin na kaya namin.”
Makakasagupa ni Ubaldo si solid setter Clo Mondoñedo, na siyang nagbubuklod sa Benilde.
Sa preliminaries, nalusutan ng Lady Tamaraws ang second set defeat upang gapiin ang Lady Blazers, 25-23, 19-25, 25-16, 25-22.
Sa men’s Finals, sisikapin ng La Salle at University of Santo Tomas na daigin ang isa’t isa para makauna sa maikling title series sa alas-4 ng hapon.
Ibinasura ng Green Spikers ang Golden Spikers, 26-28, 25-18, 28-26, 25-21, sa kanilang elims face-off subalit iba ang magiging galawan sa Finals.
“Eliminations are eliminations; Finals are different. May aangat, may bababa, it’s a matter of mental game na lang talaga, because physically we are both ready. Andon na yung factor kung sino yung may mas gusto talaga,” sabi ni La Salle top outside hitter JM Ronquillo.
Bumawi ang La Salle mula sa one-game deficit sa semis upang gulantangin ang Ateneo, habang pinisak ng UST ang FEU sa semis playoff.
Samantala, maghaharap ang Ateneo at FEU para sa bronze sa men’s division sa alas-10 ng umaga, habang pag-aagawan ng University of the East at Perpetual Help ang third place honors sa women’s play sa alas-12 ng tanghali.