VARGAS NAHALAL NA PANGULO, BUHAIN SECGEN NG PSI

NAHALAL bilang bagong pangulo ng Philippine Swimming, Inc. (PSI) ang long-time swimming patron na si Michael ‘Miko’ Vargas sa ginanap na National Congress and Elections nitong Huwebes sa East Ocean Restaurant sa Paranaque City.

Nagkaisa ang 11-man Board of Trustees na iluklok ang 43-anyos na si Vargas, ikalawa sa tatlong anak ni dating POC president at Boxing Association chief Ricky Vargas, para pamunuan ang asosasyon sa ‘transition year’ bago ang regular election sa 2025.

“I’m very happy and proud at binigyan ninyo ako ng pagkakataon na maging head ng swimming association. Of course, nagpapasalmat ako kay Cong. Eric Buhain na siya naman talagang magiging puso ng aosasyon. Ako po ang head, dahil mas pinili ni Cong. Eric na magsilbi sa ating lahat, mapalapit sa lahat ng stakeholders para sa ikauunland ng swimming,” pahayag ni Vargas, dating Customs collector at patron ng swimming program ng Congress of Philippine Aquatics, Inc (COPA) na pinamumunuan ni Buhain.

Ang two-time Olympian at swimming legend ay nahalal bilang Secretary-General, habang nakuha ni Jessie Arriola, kinatawan ng Visayas region, ang posisyon na Vice President at ang diving coach na si Marie Dimanche ang nahalal na Treasurer.

Nanumpa ang bagong Executive Board kay POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, sa presensiya ng World Aquatics Electoral Board na sina Atty. Edwin Gastanes (Chairman), POC legal counsel Atty. Wharton Chan, Atty. Marcus Andaya, Atty. Avelino Sumangui (members) at World Aquatics representative Mae Chen ng Malaysia.

“Naisakatuparan po natin ‘yung matagal na nating inaasam na inclusivity, ito po ang tunay na essence ng ating election. Tagumpay po natin ito at nawa’y makuha natin ang tunay na pagkakaisa para sa Philippine swimming,” sabi ni Buhain.

Bago naganap ang halalan, isinagawa muna ang eleksiyon para mapili ang 11-man Board of Trustees mula sa 19 na regional representatives na nahalal sa isinagawang serye ng Zoom meeting at election sa lahat ng rehiyon, kasama ang National Capital Region at sectoral sports na binubuo ng diving, water polo, open water swimming at artistic swimming.

Nahalal na miyembro ng BoT sina Vargas at Olympian Jessie Lacuna (Area 1); Isagani Corpuz at Emmanuel Manialung (Area 2), Buhain at Roel Rosales (Area 3), Cris Bancal at jessie Arriola (Area 4), Ronald Talosig at Angelica Leonardo (Area 5) at Marie Dimanche (sectoral).

-EDWIN ROLLON