VAT EXEMPTION SA KORYENTE, TUBIG, TOLL MALABO

Rep Martin Romualdez -11

WALANG iniuutos si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na pag-aralan o kaya’y isulong ang pag-aalis sa value added tax (VAT) na ipinapataw sa bayarin sa tubig, koryente at maging sa toll fees.

Ito ang binigyang-diin ni Speaker Martin G. Romualdez nang hingan ng reaksiyon hinggil sa napaulat na mismong ang Punong Ehekutibo ang nagnanais na pag-aralan ang naturang VAT exemption sa ilang public utilities at services.

“We will not be doing anything of that sort. I spoke to Joey Salceda, about it, our chair of committee on ways and means. I think what he means is they were studying. May study lang, but the president is not inclined to do that,” sabi ng lider ng Kamara.

Pagbibigay-diin ni Romualdez, mas pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan na maipagpatuloy at mapalawak pa ang pagbibigay ng direktang tulong o ayuda, kabilang na ang fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda.

“The President is not inclined to do that, rather we will look at the other ways to help through more subsidy and assitance dito sa food and fuel. And so far, that seems to be the strategy that’s working,” ayon pa sa Leyte 1st Dist. lawmaker.

Magugunita na kamakailan ay ipinabatid ng liderato ng Kamara, sa pamamagitan ni House Committee on Appropriations Vice-Chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, na sa inisyatibo ng Marcos administration ay may nakapaloob sa panukulang 2023 national budget na P206.50 billion, na siyang gagamiting pondo para sa pamamahagi ng iba’t ibang cash assistance programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE).

ROMER R. BUTUYAN