DAPAT pangunahan mismo ni House Speaker Lord Allan Velasco at ng ibang mambabatas ang pagsasapubliko ng kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth(SALN) at gawing madali ang paghingi ng kopya nito ng publiko.
Ito ang reaksiyon ni Institute for Political Reform (IPER) Executive Director Ramon Casiple sa harap na rin ng inihaing resolusyon nina Anaka-lusugan Partylist Rep. Mike Defensor at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na humihiling na magkaroon ng House Inquiry in aid of legislation ukol sa kasalukuyang batas kaugnay sa paghahain ng SALN ng mga government official at employee.
Ang resolusyong nina Defensor at Marcoleta ay nag-ugat sa naging pagbasura ng Korte Suprema sa mosyong nag-aatas kay Associate Justice Marvic Leonen na iprisinta ang kanyang SALN na sakop mula nang magturo ito bilang faculty member ng University of the Philippines (UP). Dahil hindi nailabas ang SALN ni Leonen ay hiniling nina Defensor at Marcoleta na magkaroon ng House inquiry ukol dito sa batayang karapatan ng bawat Filipino na malaman ang SALN ng mga public official. Buwelta naman ni Casiple, ang Kamara ang dapat maging ehemplo sa pagsunod sa batas hinggil sa SALN. “Sa SALN ang concept talaga diyan ay para answerable ang mga public official, kaya ang principle na sinusunod ay accessible dapat ‘yung SALN na ‘yan. Hindi na dapat pang pagdebatehan kung nararapat bang ilabas o maisapubliko ang SALN ng mga nasa gobyerno.Bakit ka nagkaroon in the first place ng ganoong klaseng concept ng SALN kung hindi available?”paliwanag ni Casiple. Kung mayroon din umanong dapat na maging bukas sa kanilang SALN, ito ay walang iba kundi ang limang pinakamatataas na opisyal sa gobyerno na kinabibilangan nina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo, Senador Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Diosdado Peralta.
Ang paglalabas ng SALN ay isa sa pinakamalaking hamon sa mga elected at government official, bagama’t obligado ang mga nasa gobyerno na magsumite kada taon ng SALN ay hindi naman nailalabas ito. Sa Kamara, halimbawa, ang record ng SALN ay guwardiyado pa ng CCTV.
Hindi din ganoon kadali ang paghingi ng kopya nito, kung saan sa ilalim ng House Resolution 2467, sinumang nagnanais na magka-access sa SALN ng mga mambabatas ay dapat may final approval ng House Plenary.
Kaya nangangahulugan na bago pa man pumayag ang isang kongresista na ibigay ang kanyang SALN ay kailangan na i-deliberate muna ito ng Committee on SALN Review and Compliance at aalamin sa requesting party ang dahilan at kung saan gagamitin ang SALN.
Panunumpaan din ng requesting party ang sworn undertaking at declaration portion na nagsasaad na kung saan lamang maaaring gamitin ang SALN sakaling pumayag ang komite na magbigay ng kopya.
Nabatid na mula 2019 mula nang mabalangkas ang bagong rules sa pagkuha ng SALN ay wala pang aplikasyon o nagre-request ng SALN ng mga mambabatas. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.