MELBOURNE, Australia — Umatras si Venus Williams sa Australian Open makaraang magtamo ng injury sa Auckland Classic, ayon sa mga organizer.
Tinanggap ng 42-year-old American ang wildcard para sumabak sa opening Grand Slam ng taon sa Melbourne Park, isang torneo na una niyang nilahukan noong 1998 at kung saan isa siyang two-time finalist, yumuko sa parehong pagkakataon sa kapatid na si Serena.
“Venus Williams has withdrawn from the Australian Open due to an injury sustained at the ASB (Auckland) Classic in New Zealand,” tweet ng Australian Open.
Ang seven-time Grand Slam champion na si Williams ay nagpamalas ng vintage performance sa opening round ng Auckland noong nakaraang linggo, pinataob si fellow American Katie Volynets 7-6 (7/4), 6-2. Gayunman ay sinibak siya sa last 16 ni Zhu Lin ng China.
Ang Australian Open, na nagsimula sa Melbourne noong January 16, ay lalarga rin na wala si men’s world number one Carlos Alcaraz na umatras noong Biyernes dahil sa right leg injury.