“VERY HONORED AKO”–  JOYCE BERNAL

JOYCE BERNAL

ITINURING ni Film and Television Director Joyce Bernal na isang malaking kara­ngalan at bibihirang pagkakataon para sa kanya na mapili bilang direktor ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Rodrigo  Roa Duterte sa Hulyo 23.

Kahapon, kasama si Bernal sa isinagawang pagpupulong ng iba’t ibang komite na inatasang mangasiwa sa gaganaping SONA sa Batasan Complex.

“Very honored ako. First time ko na hindi pagdidirek ng romcom, ng traffic, pagdidirek ito ng SONA hinggil sa sasabihin ng ating ama para sa ating mga Filipino,” ang tugon ng itinuturing na most popular at multi-awarded director nang hingian ng pahayag kaugnay sa pagkakapili sa kanya bilang 3rd SONA director.

Aniya, nais niyang maipakita ang pagiging “patriotic” ni Presidente Duterte kung saan sisikapin din niyang maisalarawan ang pagi­ging ama, alkalde at pinakamataas na lider ng bansa ng huli sa iba’t ibang video shots na kanyang gagamitin.

Sa pamamagitan ng magandang “sequencing shots” at paggamit ng tamang timpla ng mga ilaw, umaasa si Bernal na maipadadama nang mabuti ng Pangulo ang mensaheng nais nitong maipaabot sa taumbayan.        ROMER B