INANUNSIYO ng mga organizer ng 31st Southeast Asian Games sa Vietnam ang pagdaraos ng biennial multi-sport Games sa Mayo 12-23 ng susunod na taon.
Ang ispesipikong petsa ay naka-post sa national Olympic committee website ng Vietnam at iniulat ng Channel News Asia (CNA).
Magbubukas ang Games tatlong araw makaraang idaos ng Pilipinas ang national elections nito sa Mayo 9, 2022, at ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, karamihan sa mga atleta, coach at opisyal ng Team Philippines ay hindi makaboboto.
“This is one of those sacrifices of having to represent the country in an international competition,” wika ni Tolentino, na nauna nang inanunsiyo ang 626-athlete delegation sa Vietnam games na lalaruin sa Hanoi main hub.
“The main bulk of the delegation will be leaving for Vietnam no less than a week before the opening ceremony,” ani Tolentino. “This is because our athletes need to acclimatize and get the feel of the competition venues, environment and weather.”
Unang itinakda ng Vietnam ang games mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 noong nakaraang taon, subalit napilitan itong ipagpaliban dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa ANC, ang Vietnam ay naglaan ng $69 million budget para sa games, na inaasahang dadaluhan ng 20,000 katao, 7,000 ay mga atleta mula sa 11 bansa.
“With the dates set, our athletes, through their national sports associations, could now specifically program their training and peak at the right time in May,” ani Tolentino.
Ang Pilipinas ay sasabak sa 39 sa 40 sports sa Vietnam games program.