IMINUNGKAHI ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na magsagawa na lamang ng ‘virtual session’ ang mga kongresista para talakayin ang mga panukala na may kinalaman sa COVID-19.
Hirit ni Rodriguez sa mga kapwa mambabatas na mainam sa panahon ng mabilis na pagkalat ng coronavirus na mag-convene ang Kamara at Senado sa pamamagitan ng video-teleconferencing kung saan gagamit na lamang ng teknolohiya sa pagsasagawa ng special session na hindi kailangang pisikal na pumunta sa Kongreso.
Bukod dito, ang kanyang mungkahi ay isang paraan na rin sa pagtalima sa direktiba ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa mass gathering ngayong pinaiiral ang community quarantine.
Aniya, maaaring mag-set up ang dalawang kapulungan ng Kongreso ng isang infrastructure para sa ‘virtual’ o online session.
Bukod sa itinuturing na mass gathering ang pagsasagawa ng special session ng 300 kongresista, marami na rin sa mga mambabatas na nasa mga distrito sa mga probinsiya ang hindi na makakapasok ng Metro Manila.
Aniya, ito ang posibleng solusyon na may kaakibat na pag-iingat para maituloy ng mga mambabatas ang pag-apruba sa mga panukala na hindi na dapat paabutin ng pagbabalik-sesyon sa Mayo 4.
Ilan sa mga dapat na ipasa ngayon ng Kongreso ay ang P1.6 billion na supplemental budget ng DOH para sa COVID-19 at tatalakayin din ang stimulus package para sa mga distressed worker na maaapektuhan ng lockdown. CONDE BATAC
Comments are closed.