VISMIN CUP: BASILAN, ZAMBOANGA NANALASA

NAGING matatag ang Basilan sa krusyal na sandali upang maitakas ang 74-70 panalo laban sa Globalport-MisOr nitong Miyerkoles ng gabi sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.

Sumandal ang Peace Riders sa free throw sa krusyal na sandali, tampok ang huling tira ni Jerome Ferrer para maisalba ang Basilan sa ikalawang sunod na panalo at dungisan ang marka ng MisOr sa 2-1.

Naghahabol ang Valientes bago nakaigpaw sa 8-3 blitz, tampok ang three-pointer ni Reil Cervantes para makadikit sa 67-70, may 49.5 segundo ang nalalabi sa laro. Nawindang ang MisOr nang ma-foul out si Cervantes at maisalpak ni Darwin Lunor ang dalawang free throws at sinundan ng split sa charity line ni Ar Raouf Julkipli para sa 73-67 bentahe ng Basilan.

Sa sumunod na play, naisalpak ni MisOr’s Dahrrel Caranguian ang three-pointer para sa 70-73, may 22 segundo sa laro bago kumuha ng foul kay Ferrer na nagselyo sa panalo ng Basilan.

Sa ikalawang laro, nakatikim ng unang panalo ang Zamboanga Sibugay matapos maungusan ang Kapatagan sa double overtime, 89-83.

Nagbida si forward Richard Kwong para sa Buffalo sa ikalawang extra period sa naisalpak na magkasunod na baskets para sa 75-71 bentahe, ngunit matikas na rumesbak ang Anak Mindanao Warriors sa 15-5 run, tampok ang three-pointer ni Michole Sorela para makopo ang panalo.

Naipuwersa ni Kapatagan’s Mark Daanoy ang unang overtime sa one-hander shot sa depensa ni Edrian Lao para sa 71-all.

Nanguna sa Zamboanga Sibugay si Shaq Imperial sa kinamadang 20 puntos at 6 rebounds. EDWIN ROLLON