NAISALPAK ni Michole Sorela ang three-pointer sa krusyal na sandali para sandigan ang matikas na pagbangon ng Zamboanga Sibugay Anak Mindanao tungo sa 71-70 panalo laban sa host Pagadian sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge Biyernes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.
Naghahabol ang Anak Mindanao Warriors sa 61-70, may 2:56 ang nalalabi sa laro, ngunit hindi nawalan ng loob ang bagitong koponan sa krusyal na sandali at kinasihan ng suwerte sa huling ratsada ng laro.
Umiskor ng magkasunod na layup si Monbert Arong bago nasundan ng three-pointer ni Jan Jamon para sa 7-0 run upang maidikit ang iskor sa 68-70, may 41 secgundo ang nalalabi.
Malalintang depensa ang ipinoste ng Zamboanga na nagbunga sa shot clock violation para sa Explorers. Kaagad na humingi ng timeout si Zamboanga coach Arnold Oliveros para sa huling play at pagkakataon na maitabla o maipanalo ang laban.
Mula sa inbound, nakakuha ng puwang ang 6-foot-5 sweet-shooting big man na si Sorela, nagmula sa San Beda, at naisalpak ang three-pointer para agawin ang bentahe sa 71-70, may anim na segundo ang nalalabi.
Nawala na sa wisyo ang Explorers bunsod ng kawalan ng timeout at kaagad na gumawa ng paraan para sa huling opensa na nabigyan naman ng pagkakataon nang makakuha ng hard foul si Glenn Acaylar mula kay Jeff Acain, may 0.08 segundo sa orasan.
Bunsod ng pananakit ng balikat mula sa foul, sablay ang free throw ni Acaylar. Sa maigsing talakayan kasama ang medical doctor, napagpasiyahan na ilabas ang injured na si Acaylar at palitan ng pambato ng Pagadian na si Judel Fuentes.
Ngunit tunay na nakatakda ang panalo ng Warriors nang sumablay rin ang free throw ni Fuentes.
Nanguna si Shaq Imperial sa Zamboanga Sibugay sa naitumpok na 21 puntos, limang assists, apat na rebounds, isang steal, at isang block, habang nag-ambag si Sorela ng 10 puntos at limang rebounds.
Bunsod ng panalo, sumosyo ang Zamboanga Sibugay sa Roxas sa ikalawang puwesto tangan ang parehong 5-3 kartra, habang sadsad sa ikalimang kabiguan sa walong laro ang Pagadian.
Samantala, nakuha ng Globalport-MisOr ang solong liderato (6-3) matapos dugtungan ang losing skid ng Basilan BRT sa lima sa pamamagitan ng 68-65 panalo.
Nanguna si Joel Lee Yu sa Valientes na may 19 puntos. EDWIN ROLLON