VITAMIN D DEFICIENCY: SANHI AT SINTOMAS

NAPAKAHALAGA ng pagpapanatili ng maayos na kalusugan. Hindi lamang sa pagpapaganda ng panlabas na kaanyuan ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi maging ang pagbibigay importansiya sa panloob. Mahalagang maging balanse ang lahat nang sa gayon ay magkaroon tayo ng isang malusog na pangangatawan.

Tulad ng ibang bitami­na, mahalaga ring pagtuunan ng pansin kung ano ang naidudulot ng Vitamin D sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Mahalagang malaman ang maaaring mangyari kung hindi sapat o kulang ang bitaminang ito. Dahil kung minsan, may mga sakit na pala tayo na hindi natin nalalaman dahil sa wala namang ma­linaw na sintomas na nara­ramdaman. Narito ang ilang impormasyon na maaaring makatulong upang malaman kung mayroong Vitamin D deficiency at kung ano ang maaaring gawin upang maibalik sa maayos na kalusugan ang pangangatawan.

ANO NGA BA ANG VITAMIN D?

Sa kabila ng pangalan nito, alam niyo ba na ang vitamin D ay hindi talaga isang bitamina kundi isang “pro-hormone”. Dahil ang bitamina ay mga nutrient na hindi kayang gawin o likhain ng ating katawan kaya naman nakukuha ito mula sa ating mga kinakain. Gayunman, ang vitamin D na kilala rin bilang “sunshine vitamin” na maaaring makuha kapag natatamaan ng sikat ng araw ang balat.

Mahalaga ang Vitamin D dahil tumutulong ito sa pagpapatibay ng a­ting mga buto at ngipin. Ito ay sa pamamagitan ng mas maayos na pagsipsip ng calcium mula sa pagkain ng isda at gatas. Nakatutulong din ito upang makaiwas sa pagkakaroon ng ilang sakit tulad ng kanser, type 1 diabetes, sakit sa puso, asthma, multiple sclerosis o pamamaga ng central ner­vous system (CNS) at iba pa.

VITAMIN D DEFICIENCY

Bagaman nakalilikha ang katawan ng Vitamin D mula sa sikat ng araw, ma­rami pa ring dahilan ng pagkakaroon nito. Halimbawa na lamang ang pagkakaroon ng mas maitim na balat dahilan upang gumamit tayo ng sunscreen na nakapagpapababa sa abilidad ng katawan na makakuha ng ultraviolet radiation B (UVB) mula sa sikat ng araw na kailangan para makalikha ng vitamin D. Tulad ng paggamit ng sunscreen na may sun protection factor (SPF) 30 na nakababawas ng 95 porsiyento ng bitamina na dapat sana makuha ng ating katawan. Kinakailangan na direktang natatamaan ng sikat ng araw ang katawan ng 5-10 minuto ng may 2-3 beses kada linggo.

MGA SINTOMAS

Ayon sa isang artikulo ni Megan Ware na nailathala online sa “MedicalNewsToday”, ang mga sintomas nito ay ang madalas na pagkakasakit, madaling mapagod, pananakit ng mga buto at likod, matagal na pagga­ling ng sugat, pagkalagas ng buhok, pananakit ng ka­lamnan at pagiging depress.

Kung ito ay magpapatuloy, maaaring magdulot ito ng diabetes, hypertension, obesity, depression, fibromyalgia (matinding pananakit ng kalamnan), chronic fatigue syndrome (sobrang pagkapagod), osteoporosis, at neurodegenerative diseases tulad ng Alzheimer’s disease (pagkawala ng memorya). Maaari rin itong maging dahilan ng pagkakaroon ng breast, prostate at colon cancers.

Samantala, ang sobrang pagkonsumo naman ng Vitamin D o “hypervitaminosis D” ayon sa National Institutes of Health (NIH) ay nakapagdudulot ng pagkaka-librate ng mga buto at paninigas ng blood vessels, kidney,  lungs, at maging ng puso. Maaari itong magdulot ng madalas na pananakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka, pagkawala ng gana sa pagkain, panunuyo ng bibig, constipation, diarrhea at metallic taste. Nililimitahan lamang ang pagkonsumo ng vitamin D sa 4,000 IU kada araw.

MGA PAGKAING MAPAGKUKUNAN NG VITAMIN D

May ilang mga paraan upang makaiwas sa vitamin D deficiency. Una rito ay ang pagkonsulta sa doctor tungkol sa lebel ng vitamin D na nasa inyong katawan upang malaman kung sapat pa ba o kulang ang iyong bitamina sa katawan at mga kakailanganing gawin kung mayroon ka nito. Pangalawa ay ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa vitamin D tulad ng cod liver oil, tuna, salmon, gatas, margarine, sardinas, atay, kabute, caviar, catfish, mackerels, ricotta cheese, salami, cereal, oyster, orange juice, hipon, soya, vanilla yogurt, sour cream, swordfish, at pula ng itlog.

BENEPISYO NG VITAMIN D

Maraming benepisyo ang naidudulot ng pagkonsumo ng vitamin D tulad ng pagkakaroon ng ma­titibay na buto; pag-iwas sa sakit tulad ng lagnat at diabetes; pagkakaroon ng malusog na sanggol kung ikaw ay buntis; at higit sa lahat ay ang pagbaba ng posibilidad na magkaroon ng kanser.

Bukod sa sikat ng araw at pagkahilig sa mga pagkaing mayaman sa vitamin D, maaari ring makatulong ang pag-inom ng gamot. Ugaliin lamang ang regular na pagkonsulta sa doctor nang mabigyan ng payo sa mga maaaring gawin kung kulang sa vitamin D.

Tandaan, palaging pag-ingatan at patuunan ng pansin ang kalusugan para sa mas magandang buhay.  AIMEE GRACE ANOC

Comments are closed.