INAMIN ng law enforcers na talamak na naman ang pagdami ng maraming droga, mahigit tatlong buwan bago ang pagbaba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ulat ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa Pangulong Duterte, nakakumpiska ang pinagsanib na law enforcement agencies ng P424.7 million na halaga ng shabu mula Pebrero 27 hanggang Marso 5.
Malaki ito nang halos P300 million sa halagang nakumpiska nitong Pebrero 20 hanggang Pebrero 26 na nasa P159 million.
“So ito po ay maaaring bunga na din ng pagluluwag natin, nagkaroon ng mobility, kumilos ang mga tao at puwedeng samantalahin po ng mga illegal drug traders. Lalo pa natin paiigtingin ang ating mga operation para siguradong hindi mapagsamantalahan ng mga illegal drug operators ang ating pagbaba ng kaso at pagluluwag sa Alert Level 1,” ayon sa kalihim.
Sa kaparehong panahon ng operasyon, iniulat din ng DILG chief na naaresto ang 1,307 drug suspects sa 916 operations.
Sa kabuuan, 76 drug personalities naman ang sumuko habang isa lang napatay sa police operations.
Nakumpiska naman sa isang linggong operasyon ang 7.5 kilos ng shabu, 3,114.2 kilo ng marijuana, 1 gramo ng cocaine, at 1.2 gramo ng ecstacy.