IPINAUBAYA na ng Malacañang sa mga kandidato sa national position kung boluntaryong sasailalim ang mga ito sa drug test.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo na mayroon nang desisyon ang Korte Suprema na hindi maaaring gawing mandatory ang drug testing sa mga tumatakbo sa national position tulad ng pagka-senador dahil hindi naman ito kasama sa mga nakasaad sa Saligang Batas.
Sa mga tumatakbo naman sa lokal na pamahalaan ay kailangang sumailalim ang mga ito sa mandatory drug testing.
Dagdag ni Panelo, bahala na ang taumbayan na humusga sa mga kandidatong hindi sasailalim sa voluntary drug testing dahil sakaling umayaw ang isang kandidato sa drug testing ay siguradong magdududa ang mga botante.
Ipinaliwanag nitong posibleng mayroong itinatago ang isang kandidato kung hindi sasailalim sa voluntary drug testing.
Unang iniulat na planong isailalim ng PDEA sa drug testing ang mga kandidato, ngunit hindi na itinuloy dahil malalabag nito ang probisyon ng Korte Suprema.
Comments are closed.