VOTER REGISTRATION AARANGKADA SA MALLS

INAASAHANG sa susunod na linggo ay aarangkada na ang voter registration sa ilang malls sa buong bansa.

Ito’y matapos na lumagda ng kasunduan hinggil dito ang pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) at Robinsons mall.

Ayon sa Comelec, kabilang sa mga dumalo sa naturang memorandum of agreement (MOA) signing ay sina Comelec Chairman Sheriff Abas at Comelec Spokesperson James Jimenez, at sina Mr. Irving Wu, Operations Director, at Ms. Tess Miranda, Special Projects Manager ng Robinsons Land Corporation (RLC).

Sa ilalim ng nilagdaang kasunduan, bubuksan ang may 52 malls nila sa buong bansa, kung kailangan ng poll body.

Sinabi ni Jimenez na target nilang matapos ang arrangement para sa mall registration sa susunod na linggo.

Posible aniyang ang mall registration ay isagawa tuwing weekend at posible ring magkaroon ng weekdays sa ilang lugar, depende sa panga­ngailangan.

Umaasa naman ang Comelec na sa tulong ng kanilang mga satellite registrations ay mas tumaas pa ng 50% ang bilang ng mga nagpaparehistro sa oras na masimulan ang mall registration dahil makapagpaparehistro na rin maging ang mga kababayan nating hindi nagpaparehistro dahil sa inconvenient sa kanilang magtungo sa mga tanggapan ng Comelec.

Ang voter registration ay nagsimula noon pang Agosto 1 at tatagal hanggang Setyembre 30 lamang.

Una naman nang sinabi ni Abas na kung matutuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Mayo, 2020 ay hindi na nila palalawigin ang voter registration.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.