NAKATAKDA nang magtapos sa Lunes, Setyembre 30, ang idinaraos na voter registration sa bansa ng Commission on Elections (Comelec).
Kaugnay nito, hinikaya’t ng Comelec ang mga kuwalipikadong botante na samantalahin ang nalalabing dalawang araw nang pagpaparehistro upang makapagpatala at makaboto sa mga susunod na eleksiyon sa bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, na inaasahan na nilang dadagsa ang mga magpaparehistro ngayong Sabado, Setyembre 28, at sa Lunes, Setyembre 30, na siyang deadline ng voter registration.
Hindi tumatanggap ng application for registration ang Comelec sa araw ng Linggo.
“Tomorrow (Setyembre 28) is the last Saturday of voter registration while the last day is on a Monday, so an influx of registrants is to be expected. The Comelec has anticipated this, and we are confident that our employees in the field are prepared to handle the last-day registration scenario,” ani Jimenez.
Paliwanag niya, sa ilalim ng Section 6 ng Comelec Resolution No. 10549, may mga procedure na dapat na ipatupad sa huling araw ng voter registration.
Ayon kay Jimenez, pagsapit ng 3:00 ng hapon, ang lahat ng aplikante na nakapila na para magparehistro ay kukunin ang pangalan at papayagan pa ring magpatala ngunit kinakailangang nasa tanggapan sila ng Comelec sa sandaling tinawag na ng election officer ang kanilang pangalan ng tatlong ulit, upang makuhanan ng biometrics at maiproseso ang kanyang aplikasyon.
“Each name will be announced repeatedly three times in the order in which the applicants’ names were listed. Applicants who are not present when their names are called shall no longer be allowed to file their registration,” anang Comelec.
“When an applicant’s name is called and he/she is present, his/her application will be processed and his/her biometrics data will be captured. The process continues until all those listed shall have been processed,” dagdag pa nito.
Maglalagay rin ang poll body ng express lane para sa mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWD), senior citizens at yaong mga buntis o heavily pregnant applicants, upang hindi mahirapan ang mga ito sa pagpaparehistro.
Iniulat ng Comelec na simula nang umpisahan ang voter registration noong Agosto 1, hanggang nitong Setyembre 21, ay umaabot na sa 2,645,446 ang kabuuang bilang ng mga aplikasyon na kanilang naiproseso sa buong bansa.
Pinapayuhan naman ng Comelec ang mga aplikante na hahabol sa dalawang huling araw ng pagpapatala na maagang magtungo sa Office of the Election Officer (OEO) sa lungsod o munisipalidad, o satellite registration center, kung saan nila nais na bumoto, at magpakita lamang ng isang balidong identification (ID) card upang makapagparehistro. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.