(“‘Wag nang ilabas ang info”) LENI PINAYUHAN NI LACSON

Senador Panfilo Lacson

PINAYUHAN ni Senador Panfilo Lacson si Vice President Leni Robredo na huwag nang ilabas ang mga impormasyon na nakuha  bilang dating Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs  (ICAD)  kung makakasira lamang sa war on drugs.

Ito ang naging reaksiyon ng senador sa tanong ng mga mamamahayag kung dapat bang ilabas ng bise presidente ang mga nakuhang impormasyon sa ICAD.

Gayunpaman, duda ang ilan na kaya sinibak si Robredo ay posibleng may nakuhang impormasyon ang dating ICAD Co-Chairperson na mag-dadawit sa administrasyon.

Ayon kay Lacson, kung hindi  makakatulong sa war on drugs ang sensitibong impormasyon kung mayroon  mang nakuha si Robredo  ay mas makabubuti na huwag na lamang ito ilabas.

Paliwanag ng senador, kapalit ng makakasuhan ang ibang indibidu­wal ay malalagay naman sa alanganin ang kampanya laban sa ilegal na droga kaya  mas makabubuti na huwag na lang ilabas ito sa publiko.

Subalit kung ang impormasyon, ani Lacson ay makakatulong sa kampanya laban sa droga ay  walang masama kung ilabas ito ng pangalawang pangulo. VICKY CERVALES