SISIMULAN na ngayong buwan ang serye ng public consultations para sa susunod na wage round sa National Capital Region (NCR), ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa isang statement, sinabi ng DOLE na ang konsultasyon sa labor at employer sectors ay gaganapin sa May 23 at June 4, ayon sa pagkakasunod, habang ang public hearing ay nakatakda sa June 20.
Pagkatapos nito ay magpapasya ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa NCR sa kaangkupan ng pag-a-adjust ng minimum wage para sa rehiyon.
Ang maagap na pagsasagawa ng konsultasyon ay alinsunod sa panawagan ni Presidente Ferdinand R. Marcos, Jr. sa RTWPBs sa kanyang Labor Day address na rebyuhin ang regional minimum wage rates “sa loob ng 60 araw bago ang anibersaryo ng kanilang latest wage order”.
Kasunod ng direktika ng Pangulo, ang DOLE, sa pamamagitan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), ay nag-isyu ng isang resolution noong May 6 na nag-aatas sa RTWPBs na simulan ang napapanahong pagrebyu sa minimum wages.
Ang kasalukuyang wage order para sa private sector workers sa Metro Manila ay nagkabisa noong July 16, 2023. Itinakda nito ang minimum wage sa P610 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector at P573 para sa agriculture sector, service/retail establishments na may 15 workers o mas mababa pa, at manufacturing establishments na regular na nag-eempleyo ng wala pang 10 manggagawa.
Sinabi ng DOLE na inatasan na rin ang iba pang mga rehiyon na itakda ang kanilang iskedyul ng consultations at hearings, alinsunod sa direktiba ng Pangulo at sa implementing rules and regulations na inisyu ng NWPC.