NANAWAGAN si Senadora Nancy Binay sa Department of Budget and Management (DBM) na iprayoridad ang pagpapalabas ng 4th tranche ng salary adjustment ng mga kawani ng pamahalaan na nakatakda ngayong 2019.
“Sana ngayong February ay mai-release na agad ng DBM ang fourth tranche ng salary adjustment para sa mga kawani ng pamahalaan,” wika ni Binay.
Aniya, malaking tulong ito para sa nalalapit na naman na pasukan at nakaambang adjustments sa oil products.
Ang panawagan ng senadora ay dahil na rin sa pahayag ni Senate finance committee chairperson Loren Legarda na ang dagdag-sahod ng mga empleyado ng pamahalaan ay maaaring kunin sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF).
“Readily available at mayroon pong pondo para rito ang DBM. ‘Di na po kailangang maghintay nang matagal para mai-release ang salary increase under SSL-IV,” ani Binay.
Aniya, nasa P75 bilyon mula sa MPBF ang inilaan para sa salary adjustment na sobra-sobra sa maaaring gamitin ng DBM para sa 4th tranche ng dagdag-sahod.
“Earlier, the DBM estimated the fourth tranche of wage hikes for government workers to be between P40 and P50 billion,” diin ni Binay.
Nilinaw rin ng senadora na sa ilalim ng reenacted 2018 national budget na ginagamit na panggastos ng pamahalaan, maaaring kumuha ang DBM sa MPBF upang mapondohan ang mga benepisyong kinakailangan, kabilang na ang dagdag sahod. VICKY CERVALES
Comments are closed.