APRUBADO na ang minimum wage hike para sa private sector at domestic workers (kasambahay) sa Northern Mindanao simula sa susunod na buwan.
Iniulat ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na inilabas ng Region 10 (Northern Mindanao) Wage Board ang Wage Order No. RX-23, na nagkakaloob ng P23 daily wage hike para sa non-agriculture sector; at P35 para sa agriculture sector na ibibigay sa dalawang tranches.
“These wage increases will bring the minimum wage rate in Wage Category 1 to PHP461; and in Wage Category 2 to PHP446,” pahayag ng NWPC sa isang statement noong Biyernes.
Ang mga lungsod na nasa ilalim ng Wage Category 1 ay ang Cagayan de Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador, at Ozamiz, at ang mga munisipalidad ng Opol, Tagoloan, Villanueva, Jasaan, Opol, Maramag, Quezon, Manolo Fortich, at Lugait.
Ang mga lugar na hindi nabanggit sa ilalim ng Wage Category 1, gayundin ang lahat ng retail at service establishments na nag-eempleyo ng hindi hihigit sa 10 manggagawa ay nasa ilalim ng Wage Category 2.
Samantala, nag-isyu rin ang Northern Mindanao wage board ng Wage Order RX-DW-05, na nagkakaloob ng P1,000 monthly minimum wage increase para sa domestic workers sa rehiyon.
“The increase brings the monthly minimum wage for domestic workers in the region to P6,000,” ayon sa NWPC.
Ang kasalukuyang minimum wage rate per month para sa domestic workers sa Northern Mindanao ay nasa P5,000.
Ang parehong wage orders ay epektibo sa Jan. 12, 2025.