MISMONG si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang nagsabing wala nang magiging “for later release” o FLR sa ilalim ng P5.268 trillion na pambansang budget para sa susunod na taon.
Ito ang ipinabatid ni Speaker Martin G. Romualdez matapos ang ginawang ratipikasyon ng Kamara sa 2023 General Appropriations Bill (GAB) kamakalawa ng hapon.
Ayon sa lider ng Kamara, magandang hakbang ito ng Malakanyang na magtitiyak na ang bawat programa o proyekto na nakapaloob sa 2023 national budget ay hindi maaantala ang pagpapatupad dahil may kaukulang pondo na mailalaan.
Matatandaan na sa ilalim ng 2021 at 2022 national budget, ilang proyekto ang nabimbin matapos na maipasailalim sa “FLR” ng DBM.
Paliwanag ng ahensiya, kinailangan nilang gawin ito para sa mas maayos na budget programming at management lalo’t nakararanas ang bansa ng pandemiya.
Bunsod ng pahayag na ito ng kalihim ng DBM, maraming kongresista ang nagalak dahil hindi na umano matetengga ang kanila-kanilang isinusulong na proyekto.
ROMER R. BUTUYAN