(Wala pang bisperas ng Bagong Taon) 46 INSIDENTE NG PAPUTOK NAITALA

paputok

UMABOT na sa 46 ang kabuuang bilang ng mga naitalang fireworks-related incidents (FWRI) ng Department of Health (DOH) sa bansa kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, matapos na makapagtala ng ka­ragdagan pang 12 kaso, sa nakalipas lamang na magdamag.

Batay sa inisyung FWRI Report No. 8 ng DOH nitong Linggo ng umaga, nabatid na ang 12 bagong kaso ay naitala lamang mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 28 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 29.

Dahil dito, umakyat na sa kabuuang 46 ang FWRI incidents sa bansa, mula sa dating 34 lamang, batay na rin sa ulat ng 61 sentinel hospital mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Dis­yembre 29.

Ayon sa DOH, ang naturang 46 kaso ay kasindami ng mga FWRI na naitala nila sa kaha­lintulad na petsa noong 2018, ngunit  64% namang mas mababa mula sa five-year average (2014-2018) na may 129 kaso, sa kahalintulad na panahon.

Sinabi naman ng DOH na wala pa silang naiuulat na stray bullet injuries at firework ingestion hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa DOH, karamihan sa mga nasugatan ay mula sa National Capital Region (NCR) na nasa 18 na; kasunod ang Region 1 na may 5 cases; habang tig-apat na kaso naman ang naitala sa Regions 2 at 5, gayundin ang Calabarzon.

Ang Regions 6, 7 at 12 ay nakapagtala ng tig-3 kaso; habang ang tig-isa naman ang kasong naitala ng Mimaropa at Region 11.

Sa NCR, pinakama­raming nasugatan sa Maynila na nasa 11 kaso; sumunod ang Quezon City na may tatlong kaso; Marikina City na may dalawang kaso; at tig-isa naman ang Mandaluyong at Pasay City.

Nabatid na ang pinakabatang nasugatan sa paputok ay dalawang taong gulang lamang habang ang pinakamatanda naman ay 71-anyos, at ang median age ay 10-taong gulang.

Ang 37 o 80% sa kanila ay pawang mga lalaki at 33 o 72% ang nagtamo ng blast/burn injuries without amputation; 14 o 30% ang nagtamo ng eye injuries o sugat sa mata, habang isa o 2% ang nagtamo ng blast/burn injury na nangangaila­ngang putulan ng daliri sa kaliwang kamay dahil sa pinulot na ‘di batid na uri ng paputok.

Kabilang naman sa mga paputok na pinakamaraming nabiktima ay ang piccolo at boga, na may tig-anim na kaso; at 5-star, kwitis at luces, na may tig-apat namang kaso.

Kaugnay nito, patuloy namang nagpapaalala ang DOH sa publiko na umiwas na sa paggamit ng paputok at gumamit na lamang ng alternatibong noisemakers upang makapag-ingay sa pagsalubong sa Taong 2020. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.