Mga laro ngayon:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Phoenix vs Blackwater
7:30 p.m. – Rain or Shine vs Ginebra
SISIKAPIN ng Rain or Shine na mapanatiling malinis ang kanilang marka at mapatatag ang kapit sa ikalawang puwesto sa pakikipagtipan sa Barangay Ginebra sa PBA On Tour ngayong Linggo sa Ynares Center sa Pasig.
Nakatakda ang salpukan ng Elasto Painters at Kings sa alas-7:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Phoenix at Blackwater sa alas-5 ng hapon.
Dalawang linggong nagpahinga ang RoS matapos kunin ang ika-4 na sunod na panalo laban sa Terrafirma at determinadong hilahin ang winning streak sa limang laro kontra Ginebra na papasok sa court na mataas ang morale matapos ang 81-80 overtime win laban sa Blackwater noong June 21.
Lamang ang Elasto Painters dahil intact ang kanilang lineup kumpara sa Kings na haharapin ang tropa ni coach Yeng Guiao na wala ang anim nilang gunners na kasama sa Gilas pool na sasabak sa FIBA World Cup sa Agosto sa Smart Araneta at Mall of Asia Arena matapos ang opening ceremony sa Philippine Arena.
Sa kabila na lamang sa tao ay walang plano si coach Yeng Guiao na maging kampante at pinagsabihan niya ang kanyang mga manlalaro na huwag magpabaya at maglaro nang husto para masiguro ang panalo.
“Although Ginebra plays minus its key players, there is no guarantee we can win the game.
Kailangan maglaro kami nang husto and play as a team to ensure the win,” sabi ni coach Guiao.
“Lamang man kami sa billing dahil intact ang lineup namin, hindi kami magpapabaya dahil may kakayahang manalo ang Ginebra kahit kulang sila sa players at ginawa nila ito sa Blackwater,” wika ni Guiao.
Sasandal si Guiao kina Rey Nambatacs, Jewel Ponferrada, Anton Asistio, Shau Ildefonso, Mark Borboran, Leonard Santillian at Beau Belga laban kina Sidney Onwubere, Nard John Pinto, Raymond Aguilar, Arvin Mariano, at Jeff Chan.
Samantala, puntirya ng Fuel Masters ang ikalawang sunod na panalo upang maipagpatuloy ang pag-ahon mula sa three-game slide.
Sisikapin naman ng Bossing (3-3) na makabawi mula sa pagkatalo sa Kings noong nakaraang Miyerkoles.
–CLYDE MARIANO