NILINAW kahapon ng Malacañang na walang exodus ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa gitna ng COVID-19 crisis.
Gayunman, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ilang POGO firms ang hindi nakapagbayad ng buwis, na kailangan para makapagpatuloy sila ng operasyon.
“Ang nangyari po ay mga 20 plus lang out of 60 ang nag-comply doon sa requirement ng BIR [Bureau of Internal Revenue],” wika ni Roque sa isang televised briefing.
“Hindi naman po exodus ‘yan dahil malinaw naman po ang naging polisiya ng Department of Finance, pay up otherwise ‘di kayo puwede mag-POGO operations dito.”
Ang pahayag ay ginawa ng Palasyo makaraang sabihin ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa mga senador noong Miyerkoles na may natanggap siyang impormasyon mula sa isang building owner sa Makati City na nagsisimula nang kanselahin ng offshore gaming operators ang kanilang lease contracts.
Nabatid kay Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Chairperson Andrea Domingo na may 90,000 Chinese nationals sa POGO industry, na pinayagang bahagyang magbukas noong Mayo sa kondisyong babayaran nila ang kanilang unpaid taxes sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at susunod sa protocols upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Comments are closed.