WALANG FARE HIKE SA PAGBABALIK-PASADA NG PUVs

20% FARE DISCOUNT

HINDI tataas ang pasahe kapag niluwagan na ang COVID-19 lockdown sa kabila ng pagpapatupad ng physical distancing.

Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na ang pagpapaliban sa fare hike ay makatutulong sa mga commuter na makayanan ang mga nawala sa kanila dahil sa 2-month-long enhanced community quarantine  na nagpasara sa mga negosyo.

“We don’t want to add burden to the commuting public at this point in time so LTFRB in consultation with DOTr, decided not to increase the fare for all types of transportation that will be allowed on the road,” ani Delgra.

Aniya, iisyuhan ng special  permits ang public utility vehicles na papayagang bumiyahe upang matiyak na masusunod ang health protocols.

Bibigyang prayoridad ang mga bus o yaong maaaring magsakay ng pinakamaraming pasahero sa kabila ng paghihigpit sa social distancing, kasunod ang modern jeeps, traditional jeeps at vans.

Sinabi naman ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark De Leon na hinihikayat ang public utility vehicles na maglagay ng tap payment systems, habang ang mga konduktor ay pagdadalahin ng thermal scanners.

”Masks and sanitizers will also be required once public transport resumes,” dagdag pa ni De Leon.

Kasama ang mga tren sa hindi magtataas ng pasahe kapag ibinaba na sa general community quarantine ang Metro Manila matapos ang Mayo 15.

“We do not have any fare adjustment as of the moment but we are looking into it. We are trying to see if there is a need for one,” ani Transportation Undersecretary Artemio Tuazon.

“From the time that we went to the community quarantine, there has been a reduction of fuel prices already – about ₱9 reduction in fuel prices. So, there might be no need for us to adjust the fare. But we’re looking into it right now,”  aniya.

Nauna nang inanunsiyo ng DOTr na magbabalik-operasyon ang Light Rail Transits 1 and 2 (LRT-1 and LRT-2), Metro Rail Transit-3 (MRT-3) at ang Philippine National Railways (PNR) na may limitadong pasahero kapag inalis na ang ECQ sa Metro Manila.

Comments are closed.