WALANG PINOY NA NASAWI SA JAPAN QUAKE

WALANG Pinoy na kabilang sa mga nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa central Japan noong Bagong Taon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Gayunman ay 35 Pinoy ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan  dahil sa posibleng tsunami kasunod ng 7.6-magnitude na lindol.

Ayon kay Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano, naiulat ang mga Pilipinong lumikas mula sa Ishikawa Prefecture, na pinakaapektado ng lindol.

“Kagabi, nag-report po sa amin na merong 35 Filipinos na nag-evacute daw po sa city hall kasi after po ng tsunami warnings na na-issue kahapon,” ani Albano.

Samantala, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na patuloy na mino-monitor ng Philippine Consulate General sa Nagoya ang lahat ng mga Pinoy na naninirahan at bumibiyahe sa mga pinakaapektadong lugar.

Ang konsulado ay may hurisdiksiyon sa mga apektadong prefectures, kabilang ang Ishikawa, ang  epicenter ng lindol.

“The Filipino community has been contacted and no reports of any Filipino casualty at this time,” sabi ni De Vega.

“Following established emergency procedures, local communities are following prefectural government announcements to keep safe in higher ground for the moment,” dagdag pa niya.

Sa datos ng DFA, may hindi bababa sa 1,305 Pinoy ang nasa Ishikawa Prefecture, 2,915 sa Niigata Prefecture, 1,884 sa Fukui Prefecture, 2,620 sa Toyama Prefecture, at 14,553 sa Gifu Prefecture.

Hanggang Martes ng hapon, kinumpirma ng isang spokesperson para sa Ishikawa prefecture sa CNN na hindi bababa sa 48 katao ang kumpirmadong nasawi sa lindol.