WALANG PRICE CAP SA LITSON

HINDI kailangan ang price cap sa baboy, lalo na sa litson sa kabila ng epekto ng African swine fever (ASF) sa bansa, ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

“No, I don’t believe in price caps. Lalo na litson. Technically, it’s a luxury item,” ani Tiu Laurel.

Bagama’t inaasahan ang “minimal” price increase sa holiday season, tiniyak ni Tiu Laurel ang sapat na suplay ng baboy sa bansa.

“I don’t think it’s going to be a big increase. I think increment, minor increase lang,” aniya.

“I think we have enough supply. Actually, I was looking at the import numbers the other day, and lumalabas there is 10 percent more importation of pork this year than last year.”

Hanggang Sept. 30, mahigit 517.86 million kilograms ng imported pork ang dumating sa bansa magmula noong January base sa Trade System ng DA.

Samantala, kasunod ng matagumpay na rollout ng 10,000 doses ng AVAC live vaccines laban sa ASF, sinabi ng DA na itutuloy nito ang paglalatag ng 150,000 doses sa ilalim ng government-controlled vaccinations.

“Iyong 10,000 tapos na. So, we are now starting (procedures) with the next 150,000,” sabi ni Tiu Laurel, tinukoy ang pagkumpleto sa pamamahagi ng emergency-procured AVAC live vaccines.

Nauna rito ay pinalawak ng DA ang government-controlled vaccination nito sa malulusog at ASF-negative hogs sa mga lugat sa labas ng Batangas, kabilang ang Laguna at Central Luzon.

Gayunman, ang 150,000 doses ay hindi pa dumarating sa bansa.

Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), 465 barangays sa Cordillera Administrative Region, Ilocos, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Soccsksargen ang nasa ilalim pa rin ng red zones, o mga lugar na may aktibong mga kaso ng ASF.