WALANG SINASANTO

alex santos

TIYAK na maraming produkto ang tataas ang presyo at malamang na apektado ang mga karaniwang Pilipino.

Kahit unti-unti nang nabubuhay ang iba’t ibang industriya, nariyan pa rin ang epekto ng mga nagdaang kalamidad.

Hindi pa rin ganap na nakakabangon ang karamihan sa mga apektado.

Tila wala nang ihihigpit pa ng sinturon ang ilang Pinoy sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Malamang sa mga susunod na linggo, magkakaroon ng taas-presyo ng mga pangunahing bilihin lalo pa’t malapit na ang holiday season.

Hindi na yata ito mapipigilan pa.

Ang pinaka-kawawa rito ay ang mga kakarampot ang kinikita.

Kaya ipinakilala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “Kadiwa ng Pasko” project na makatutulong daw sa libo-libong magsasaka at mangingisda.

Ang proyekto na layong gawing abot-kaya ang mga produktong pagkain ay inilunsad ng chief executive sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City kahapon.

Ayon kay Aling Chona, isang magsasaka mula sa Quezon province na nahihirapang i-market ang kanyang mga produkto, ang Kadiwa project ay isang game-changer para sa kanila.

Sa Kadiwa centers, makakawala ang mga magsasaka mula sa kontrol ng mga ganid na negosyante at middleman.

Sa talumpati naman ng Pangulong Marcos, binigyang-diin niya na layon nitong itaguyod ang paglago ng local agricultural markets.

Kahit, aniya, pagkatapos ng Pasko, ipagpapatuloy pa rin ang Kadiwa ng Pasko “at ito ay isa sa mga maaaring gawin [ng] pamahalaan para tulungan ang bayan para naman maging mas maluwag ang buhay ng ating mga kababayan.”

Kung hindi ako nagkakamali, nasa 14 sites ang binuksan sa buong bansa, kabilang ang 11 sa National Capital Region, isa sa Tacloban City, isa sa Davao De Oro at isa sa Koronadal City, South Cotabato.

Ang magandang balita, may mabibili ring bigas sa Kadiwa na nagkakahalaga ng P25 kada kilo na palapit na sa P20 kada kilo na pangarap ng administrasyon.

Kinukuha raw ang bigas sa buffer stock ng National Food Authority (NFA) at hindi kumikita rito ahensiya.

Binuo ng gobyerno, sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA), ang Kadiwa ng Pasko project bilang tugon sa inflation dulot na rin ng nalalapit na holiday season.

Katuwang din sa inisyatibong ito ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Bukod kay PBBM, dumalo rin sa event si First Lady Louise Araneta-Marcos na nagpahayag ng solidong suporta sa proyekto.

Ang Kadiwa system ay sinimulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na naging epektibo at maraming natulungan noong panahong iyon.

Gumamit ng mobile stores ang Kadiwa noon na nasa ilalim ng NFA upang ibenta sa murang halaga ang maraming food items tulad ng gulay, isda, prutas, at iba pa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong Batas Militar, bukod sa Kadiwa, nasa ilalim din ng NFA ang Food Terminal Incorporated (FTI) na nagsilbing food trading at processing hub mula 1968.

Waring kinopya at nag-transform din ang Kadiwa bilang ERAP (Enhanced Retail Access Program) at GMA (Greater Market Access) ng mga sumunod na administrasyon.

Binuhay rin ng administrasyong Duterte ang Kadiwa brand mismo noong nakaraang taon.

Nawa’y magtuloy-tuloy ang Kadiwa ni PBBM at kumalat sa lahat ng sulok ng Pilipinas.

Huwag sanang mabahiran ng pulitika at pabagalin ng burukrasya ang iba pang mga inisyatibo o proyektong katulad nito sa bansa.

ni Alex Santos