IBINASURA ng Department of Finance (DOF) ang panukalang i-exempt sa income tax ang honoraria at allowances ng mga guro at iba pang indibidwal na magsisilbi sa darating na eleksiyon.
“We do not support the proposed tax exemption,” sabi ni Arvin Lawrence Quiñones, Director IV ng policy, research, at liaison office ng DOF, sa Senate committee hearing noong Huwebes.
Paliwanag niya, ang honoraria at mga benepisyo na ipinagkakaloob ng Commission on Elections (Comelec) sa poll workers ay bahagi ng kanilang gross income, na dapat buwisan.
Sinabi ni Atty. Anne Loraine Garcia ng law and legislative division ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na “improper” na ikonsidera ang naturang professional fees na isailalim sa mas mababang 5% tax dahil ang mga guro ay nagkakaloob ng serbisyo sa labas ng kanilang propesyon.
Dagdag pa niya, sa ilalim ng batas, ang mga may annual taxable income na mahigit sa P250,000 ay papatawan ng 20% tax.
Samantala, idinagdag ni Quiñones na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law ay nagkakaloob ng sapat na kaluwagan sa taxpayers at ang dagdag na exemptions ay maaaring tumaliwas sa layuning gawing higit na episyente at pantay-pantay ang taxation system.
“Exempting one kind of activity, in this case, the electoral services that our teachers provide, will be inequitable to other similar activities that provide the similar kinds of benefits. It’s like saying we want to prefer one service and give exemptions to them, to the detriment of others,” ani Quiñones.