WALANG aasahan ang mga manggagawa na dagdag-sahod sa Mayo 1, Labor Day.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, walang iaanunsiyong wage hike si Pangulong Rodrigo Duterte sa Labor Day da-hil wala sa kanyang kapangyarihan na magtaas ng minimum wage ng mga manggagawa dahil nasa kapasiyahan ito ng Kongreso.
Aniya, ang mahalaga ay makalikha ng mga trabaho para sa mga Filipino.
Kasabay ng paggunita ng Labor Day ay pangungunahan ni Pangulong Duterte ang groundbreaking ng P400-million state of the art hospital para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa San Fernando, Pampanga.
Ani Bello, itatayo ang naturang ospital sa dalawang ektaryang lupaing donasyon ni Pampanga Gov. Lilia Pineda.
Ito, aniya, ang magiging pangunahing Labor Day activity at magandang balita ni Pangulong Duterte para sa mga manggagawa.
Samantala, ilang araw bago ang Labor Day ay inihirit ng tatlong grupo ng mga manggagawa na gawing P750 kada araw ang minimum wage sa buong bansa.
Sa kanilang petisyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng National Capital Region, sinabi ng Ki-lusang Mayo Uno, Kilos Na Manggagawa, at Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) na dapat nang gawing P750 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa lahat ng panig ng bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, gayundin ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Jen Pajel, chairperson ng Kilos Na Mangagawa, kahit bumagal ang inflation ay hindi naman bumaba ang presyo ng bilihin.
Pinuna rin nila na pare-pareho lamang ang sitwasyon ng mga manggagawa sa Metro Manila at mga lalawigan kaya dapat ay pareho lamang ang minimum wage.
Sa kasalukuyan ay nasa P537 ang minimum wage sa Metro Manila na tumaas mula sa P512 noon lamang Nobyembre. Nangangahulugan ito na P213 ang kailangang idagdag kung pagbibigyan ang petisyon.
“Doon sa P537 na minimum wage ay pinagkakasya nila doon ‘yung lahat ng gastusin sa araw-araw, lalo na’t pinopondohan nila ‘yung pamasahe… Mas malaki sa kanila ang kawalan kung liliban sila,” ani Julius Carandang, pangulo ng MWAP.
Comments are closed.