WANTED PERSON NA NAG-APPLY NG POLICE CLEARANCE ARESTADO

arestado

CAVITE – KALABOSO ang 19-anyos na isa sa wanted person na pinaghahanap ng mga awtoridad kaugnay sa kasong paglabag sa RA 9165 makaraang masakote habang nag-a-apply ng police clearance sa bayan ng Rosario, Cavite ka­makalawa ng hapon.

Naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si alyas Insanor Ali  ng Brgy. Tejeros sa nabanggit na bayan.

Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na nag-apply ng police clearance ang suspek sa himpilan ng pulisya para gamitin sa pagpasok sa trabaho kung saan sa pag-aakalang walang anumang kasong krimen ang nasa police record ay kampante itong naghintay.

Subalit sa beripikasyon ni NUP Rudolf Solis sa PNP E-Warrant System ay may nakabinbing warrant of arrest ang suspek na inisyu ni Judge Johnmuel Romano Rd Mendoza ng RTC 3rd Judicial Region, Branch 26 sa Cabanatuan City sa kasong paglabag sa Section 11, Article 11 ng RA 9165 noong Oktubre 15, 2018 at walang inirekomendang piyansa.

Gayunman, nabigla at hindi makapaniwala ang suspek na kaagad na inaresto ng mga opera­tiba ng pulisya makaraang ipakita sa kanya ang police record at ang warrant of arrest.

Isinailalim sa physical examination at drug test ang suspek na ngayon ay nakatakdang dalhin sa Cabanatuan City para harapin ang kasong kriminal. MHAR BASCO

Comments are closed.