WANTED: PINOY WORKERS SA TAIWAN

MAS maraming Filipino workers ang kailangan sa Taiwan, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Sinabi ni MECO board chair Cheloy Garafil na mas gusto ng Taiwanese employers ang mga Pilipino dahil sa kanilang work ethic at magandang good attitude.

“Filipinos are efficient workers, kind and hardworking,” pahayag ni Garafil sa isang news forum.

Karamihan sa mga trabaho sa Taiwan ay nasa semiconductor, agriculture, at service industries – na may entry-level salaries na mula P50,000 hanggang P100,000.

May slots din para sa caregivers.

Bukod dito, sinabi ni Garafil na maaari ring magtungo ang Filipino students sa Taiwan para mag-aral.

“Ang ating mga workers doon ay nasa mabuting kalagayan, mababait ang kanilang mga employer kaya hindi masyado mahirap ang labor aspect ng MECO kasi… maganda ang trato sa kanila,” pahayag ni Garafil sa isang news forum.

“Maraming need na workers ang Taiwan kasi nag-eexpand sila doon. Hindi lang workers ang kailangan nila, they want exchange students. Mga college students, senior high school students to study courses in Taiwan. In the next few months, continuing naman ito. We will be spearheading some projects,” dagdag pa niya.

Tinatayang may halos 200,000 Pinoy sa Taiwan, karamihan o 160,000 sa mga ito ay bahagi ng workforce doon.

Dagdag pa ni Garafil, may isinasagawa na ring pag-uusap hinggil sa posibleng extension ng trial visa-free entry program para sa mga Pilipino na tutungo sa Taiwan.