IPADI-DEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese na wanted sa mga awtoridad ng Tokyo dahil sa kasong pandaraya at money laundering.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang 37-anyos na si Hiroyuki Kawasaki ay inaresto noong Agosto 14 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na paalis sana papuntang Singapore sakay ng Philippine Airlines.
Sinabi ni Tansingco na nagpositibo si Kawasaki sa BI’s Interpol derogatory check system habang iniinspeksyon ng isang immigration officer na agad namang ini-refer sa kanyang mga supervisor para sa masusing pagsusuri.
Ito ay kinumpirma ng supervisor ng BI kasama ang Interpol unit ng ahensya na si Kawasaki ay siya ring taong subject ng isang red notice.
Si Kawasaki ay dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kung saan siya ay mananatili habang hinihintay ang kanyang deportation.
Ayon kay Tansingco, isinama si Kawasaki sa watchlist ng BI noong Agosto matapos siyang kasuhan ng deportation case bilang isang undesirable alien.
Ayon pa sa ulat, hiniling ng gobyerno ng Japan ang kanyang pagkakaaresto at deportasyon base sa mga kasong falsification of official documents at financial fraud.
Binanggit ni Tansingco, base sa impormasyon mula sa Interpol-Manila na si Kawasaki ay inakusahan ng pagpepeke ng electronic record ng notarized deeds na ginamit ng kanyang mga kasabwat upang lokohin ang ilang kumpanya sa Japan at nakawin ang kanilang bank deposits.
“Japanese authorities also alleged that Kawasaki was responsible creating several shell companies which he used to siphon the funds of legitimate corporations who engaged his services as their investment manager,” dagdag pa ng BI chief.
Ang shell companies ang umano’y ginamit bilang mga kagamitan upang ilegal na ma-withdraw ni Kawasaki at ng kanyang mga kasamahan ang pera mula sa mga bank account ng kanilang mga biktima.
Sinabi ni Tansingco na ang Japanese fugitive ay ibabalik sa Tokyo sa oras na maglabas ng kautusan ang BI board of commissioners para sa kanyang summary deportation.
RUBEN FUENTES