RIZAL – INARESTO ng Antipolo Component City Police Station ang isang lalalaki nang matuklasan na Most Wanted pala sa CALABARZON at may kinakaharap na kasong pagpatay habang kumukuha ng National Police Clearance kamakalawa sa lungsod ng Antipolo.
Kinilala ni Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director ang akusado na si Alyas Ben, 50-anyos at residente ng Brgy. San Roque Antipolo, City.
Nabisto ang nasabing akusado habang pinoproseso ang aplikasyon nito para sa National Police Clearance matapos lumabas sa database na mayroon itong pending warrant of arrest sa kasong Murder na ibinaba ng Regional Trial Court Malolos City Bulacan noong Nobyembre 9, 2021 at walang nirerekomendang piyansa para rito.
Dahil dito, agad na inimpormahan ng tauhan na nakatalaga sa police clearance ang warrant team ng nasabing istasyon upang ihain ang warrant of arrest sa akusado at nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto nito.
Sa nakalap na impormasyon ng Antipolo PNP, nagtago ang akusado sa Antipolo City noon pang 2021 dahil sa pagpatay nito sa kanyang kinakasama sa Bulacan.
Nasa kustodiya ng Antipolo Custodial Facility ang dinakip na akusado habang ang korte ay iimpormahan sa naganap na operasyon.
ELMA MORALES