CAVITE – Nagwakas ang pagtatago sa batas ng anim na wanted person na may mga kasong krimen makaraang masakote ng mga awtoridad sa ikinasang Oplan Galugad ng pulisya sa iba’t ibang bayan at lungsod sa nasabing lalawigan kamakalawa.
Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, kabilang sa wanted person na kasalukuyang nasa police custodial center ay sina Enrico Uvero y Pavia, 39, ng Barangay Fatima 1, Dasmariñas City, na sinasabing may kasong paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women Act of 2004; Eleazar Alejandro y Cantal, 41, ng Brgy. Pag-Asa III, Imus City, may kasong frustrated murder; John Mcleis Enriquez, 24, ng Brgy. Hoyo, Silang at may kasong paglabag sa RA 7610.
Nasakote rin sa police operation ang mga suspek na sina Arman Capsa y Mojica ng Brgy. Tua sa bayan ng Magallanes, Cavite at may warrant of arrest sa kasong Homicide; Ron Jacob Quijano y Abbot, 25, ng Brgy. Passing Camachille 1, General Trias City, at may kasong Qualified Theft; Anthony “Tonton” San Juan y Jaime, 31, ng Daang Kalabaw Dulo, Brgy. Panapaan 4, Bacoor City at may nakabinbing warrant of arrest sa kasong Robbery; at si Adrian Balmes y Aguilar, 22, ng Brgy. Talaba 2, Bacoor City.
Ayon sa pulisya, inaresto ang mga suspek sa kinasang Oplan Galugad ng pulisya laban sa mga most wanted person sa nasabing lalawigan base sa warrant of arrest na inisyu ng iba’t ibang hukuman sa mga kasong krimen.
Kasalukuyang naibalik na sa kinauukulang hukuman ang mga warrant of arrest laban sa pitong wanted person na isinailalim na sa physical examination bago dalhin sa police custodial center kung saan nakatakdang iharap sa hukuman sa mga kasong krimen. MHAR BASCO
Comments are closed.