LIBO-LIBO ang sumalubong kina UniTeam Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice Presidential aspirant Sara Duterte sa kanilang pagbisita sa Borongan, Eastern Samar, nitong Lunes.
Unang nagtungo ang BBM-Sara UniTeam upang opisyal na pasinayaan ang pagbubukas ng UniTeam headquarters sa Borongan City.
Bago naman tumuloy sa UniTeam rally sina Marcos Jr. at Sara, isang motorcade ang isinagawa nila bilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga Boronganon sa kanilang tambalan.
Napuno naman ng mga tao na nakapula at berde ang mga kasuotan ang kahabaan ng Bay Boulevard sa pagdating nina BBM at Sara para sa isang maigsing programa sa pangunguna ni 4P’s Partylist Rep. Nonoy Libanan.
Labis naman na ikinatuwa ni Marcos Jr. ang mainit na pagtanggap ng mga taga-Samar sa kanilang tambalan ni Sara. Para sa kanya, ang kanilang pagsasama sa UniTeam ay isang napakahalaga sa patuloy na pagkakaisa ng mga lider sa Pilipinas at mismong mga mamamayan sa pagharap ng bansa para malabanan ang pandemya at mapaigting pa ang kumpiyansa ng bawat Pilipino sa hangaring maipagpatuloy at mas pagbutihin pa ang nasimulan ng administrasyong Duterte.
“Ating pina-plano, at ating iniisip, kung paano iaahon ang ekonomiya ng Pilipinas, kung papaano natin made-develop ang Pilipinas, kung papaano mapupunta sa Samar at maipagpapatuloy ang inumpisahan ni Pangulong Duterte na ‘Build, Build, Build’ na mas palalakihin pa natin, mas paiigtingin pa natin.” pahayag ni Marcos Jr.
Sa huli, hinimok ni Marcos Jr. ang bawat isa na mas pahalagahan pa at palakasin ang tunay na ugali ng bawat Pilipno, at ito ay ang pagiging mapagmahal, matulungin at mapagkaisa sa gitna man ng anumang pagsubok o krisis na pinagdaraanan.
“Kailangan ang una nating gawin ay ipagsama-samang muli ang bawat Pilipino, hindi nag-aaway, kundi nagtutulungan. Hindi nagsisisihan, kundi nagkakaisa para sa ating minamahal na bansa,” ayon kay Marcos Jr.